KAHAPON ay pinasinayaan ang bagong paayos na Session Hall ng Konseho ng Maynila. Kapiling si Vice President Jejomar C. Binay at sa pakikipagtulungan at suporta ni Mayor Alfredo S. Lim, buong pagmamalaking niregalo ni Vice Mayor Isko Moreno at ng 8th City Council ng Maynila sa taumbayan ang pinakamagandang Session Hall sa kasaysayan ng Lungsod.
Ang mas pinalaki at pinagandang session hall ay ang kauna-unahang solar powered, wood-paneled, fully computerized, on-line streaming, at fully accessible na Sanggunian sa buong bansa. Ito ay dinisenyo upang maging higit na efficient at transparent ang serbisyo ng ating mga halal sa paraang nakagagaan sa kalikasan.
Katulad ng mga mamamayan ng Maynila, ang session hall ay progresibo. Subalit nananatili pa rin ito sa orihinal nitong kinalalagyan sa City Hall. Ang gustong sabihin ay bagama’t tayo’y nakatutok sa patutunguhan, hindi natin dapat tinatalikuran ang nakalipas.
Dahil kahit pa humanga tayo sa mga modernong kagamitan at sa mga matataas na poste at kolum na gawa sa konkreto at bakal, alam natin na ang totoong nagpapaangat sa ating mga institusyon ay ang dugo, pawis at buto ng mga magigiting na binibini, ginang at ginoo na naging bahagi nito. Sila ang mga tunay na haligi ng Lungsod at sa kanilang mga balikat tayo titindig upang patuloy na manguna ang Maynila bilang Kapitolyo ng bansa.
Sa Konseho ipinagkatiwala ang lahat ng magandang layunin at hangarin ng Maynila. Dito nagtatagpo ang nagtutunggaling opinyon, kung saan tinitimbang ang mga pilosopiya, at ang kalahatang interes ay binabalanse sa pangangailangang lokal. Ito ang takdang lugar kung saan sinisilaban ang apoy ng puso at diwa ng Lungsod na siya ring nagpapaliyab sa damdamin ng bansa.
Sila ang tunay na pinagdiriwang at ang kanilang ala-ala at sakripisyo ang ating pinahahalagahan. Kung wala sila ay wala itong lahat. Ang kanilang determinasyon, karakter at walang kapagurang paglilingkod ay ang nagsisilbing inspirasyon upang manatiling karapat-dapat ang Konsehong tawagin na heart and soul of Manila.
Ang bagong session hall ng Maynila ay may matarik na kisame na gawa pa sa stained glass at may matatangkad na bintana – nang mabigyang lugar ang ating matayog na pangarap at nang makapasok ang sinag ng araw mula sa kalangitan. Tulad ng isang Katedral. Mga kaibigan, dalawa na ang Manila Cathedral. This session hall is Manila’s Cathedral of Democracy.