Financiers ng illegal mining, dapat habulin!
ANG daming satsat tuwing may landslide na nangyayari sa gold-rush sites ng Compostela Valley o maging sa kung saang sulok ng bansa. Umiiral na naman ang “blame-game’’ lalo na kung masyadong malaki ang pinsala at marami ang namamatay tuwing nagaganap ang isang landslide.
Hindi na nga bago ang balitang landslide sa kabundukan ng Compostela Valley na kilala bilang gold capital ng bansa. Taun-taon na lang o minsan ilang beses sa isang taon ay may nababalitang may mga tunnel na gumuho.
At ilang libo na rin ang namamatay sa landslide simula pa noong 1980s na kung kailan nagsimula ang small scale mining exploration sa Pantukan at maging sa karatig bayan nito na Monkayo kung saan naroroon ang Mt. Diwalwal gold-rush site.
Kaya ilang beses na rin na tuwing may landslide, hayun at nagtuturuan na naman kung sino ang dapat sisihin.
Sino nga ba ang sisisihin? Ang libong small-scale miners na kahit ilang landslide pa ang mangyari o kahit ilang buwan pang patuloy na uulan, hinding-hindi iiwan ang tunnels na kung saan sila nabubuhay.
Naging inutil na nga ang mga local government units sa pag-control ng pagdagsa ng mga minero sa matitirik na bundok ng Compostela Valley upang makahagilap ng ginto.
Kahit ilang “no-habitation” policy ang pinaiiral, talagang gumagawa ng paraan ang mga minerong ito na makabalik sa kani-kanilang tunnel.
Dahil nga kapit sa patalim ang ating mga kababayang minero na ang ninanais lang naman nila ay maitaguyod ang kanilang pamilya. Harangan man ng sibat o ng tangke, talagang lulusot ang mga ito at babalik sila sa dating gawi.
Ngunit sa dinami-daming landslide na nangyayari sa Compostela Valley at sa parating reklamo na illegal ang operation ng mga small-scale miners, bakit hindi nadidiin ang financiers ng mga minerong ito?
Panahon na para tugisin ng pamahalaan ang financiers ng small-scale miners na sa unang tingin ay small-scale nga ngunit ang mga financiers nito ay ang yayaman naman.
Ang mga financiers ang nagbibigay lakas sa small-scale miners upang patuloy silang magmimina sa bundok. Kung walang financiers, hindi maglalakas loob ang mga minero na sumulong sa matitirik na bundok.
Tiba-tiba ang kita ng financiers, habang karampot lang ang nakakarating sa mga minero.
Kaya napapanahon na kailangang managot din ang financiers ng small-scale miners na namamatay tuwing may landslide.
Kailangang pangalanan din kung sinu-sino ang namumuhunang nga limpak-limpak na salapi para sa mining exploration ng small-scale miners na ito.
Kung sa mga nakaraang pagguho ng mga bundok sa Compostela Valley ay nakakalusot ang mga financiers, ngunit ngayon ipamukha sa kanila na dapat silang managot sa mga namamatay sa trahedya.
- Latest
- Trending