Sa pangalwang beses ang pitak na ito
Ang bansang Korea – papaksain dito;
Kung hindi nasapit kalahati nito
Wala ring opinyong masasabi rito!
Nang bago mag-Pasko kami ay naglakbay
Patungo sa bansang kalahati lamang;
Yao’y South Korea na kay ganda naman,
Kumpleto sa lahat – malamig nga lamang!
Kung hindi kay lamig, talo ang Makati
Sa department stores, building na malaki;
Ang mga paninda – lahat mabibili
Kaymahal nga lamang sa perang marami!
Ang hindi maganda sa naturang lugar –
Tao’y nangangamba sa mga kalaban;
Kalahating bansa na North ang pangalan –
Ay baka manggulo – itong South ay maagaw!
Ang South at ang North dati’y magkakampi
Magkasama sila pati military;
At sa Korean war tayo ay sumali
Korea’y united – iisa ang party!
Sa aming estimate, kaya naghiwalay –
Itong North Korea at saka ang South;
Malalaking bansa sila’y pinag-away
Upang armas nila may mapagbentahan!
Ang South ay kumampi sa United States
Kaya ang gobyerno naging democratic;
Ang North sa ngayon hawak ng communists
Kaya ang balanse ay naging tagilid!
At ngayong ang North ay may batang lider
Ang modernong South parang nanganganib;
Dalwang super powers kanya-kanyang panig –
Ating idalangin sila’y mag-united!
Kuntento ang US sa progress ng South
Sa North ang communist ay ayaw bumitaw;
Ang hangad ng China sila ay hiwalay
Upang ang Korea ay hindi kaaway!