Epipania: Pari, Propeta at Hari
NGAYON ang kapistahan ng “epiphany” ang kabuuang pagpapakita ni Panginoong Hesus. Sa mga Greek ito ay “diaphany” o “theophany” ang pagliligtas sa atin ng Anak ng Diyos. Sa lumang kaugalian, ito ang Kapistahan ng Tatlong Haring Mago na sina Melchor, Gaspar at Baltazar.
Ipinahayag ni Propeta Isaias na naliliwanagan ang sandaigdigan sa kaningningan ng Panginoon. Ang Jerusalem ay nililiwanagan ng Kanyang kaningningan. Mababalot ng dilim ang ibang mga bansa ngunit ang pinagpalang Jerusalem ay patuloy ang kaningningan sapagkat taglay niya ang kaliwanagan. Lahat ng bansa ay lalapit sa kanya. Pawang katotohanan ang salaysay ng propeta sapagka’t hanggang ngayon ay patuloy ang pagdalaw nang mara-ming tao sa pook at lugar na pinanganakan, kinabuhayan, pinangaralan, pinagpasakitan, kinamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus, “ang yaman niyong karagata’y iyong matatamo, at ang kayamanan ng maraming bansa ay makakamtan mo”.
“Poon, maglilingkod sa ‘yo tanang bansa nitong mundo”. Ang bansang ito ay inihayag na katuparan sa pangako ng Diyos. Magpupuntahan ang sandaigdigan upang mamalas ang pinagmulan ni Hesus na Anak ng Diyos. Sinimulan ang pagdalaw na ito ng mga Mago mula sa iba’t ibang panig ng daigdig sapagka’t sa kanilang pag-aaral sa takbo ng araw at mga bituin ay pinagtibay nila ang kakaibang tala sa kalangitan na simbolo ng pagsilang ng Anak ng Diyos na buhay.
Ang mga Mago ay pawang mga astrologers na patuloy na pinag-aaralan ng kilos ng mga bituin. Nahulaan nila ang kakaibang tala na nagpapatunay sa sulat ng mga propeta sa pagsilang ng Anak ng Diyos. Kaya hanggang ngayon ay patuloy ang pagsubaybay ng mga mago sa takbo na daigdig ukol sa mu-ling pagdating ni Hesus.
Sa kasaysayan ng mga Mago ay marami silang sumubaybay sa talang maliwanag. Kung saan-saang lupalop ng daigdig sila nagmula ay tanging tatlo lamang ang mapayapang nakarating sa sabsaban ng Belen na doon nila nakita ang sanggol na si Hesus at ganundin sina Maria at Jose. Inialay nila ang kanilang regalong ginto simbolo ng maringal na pagka-Diyos, kamanyang simbolo ng Kanyang pagkapari at mira simbolo ng isang propeta.
Isaias 60:1-6; Salmo 71; Efeso 3:2-3A, 5-6 at Mt 2:1-12
- Latest
- Trending