Puntong walang balikan
MAG-ASAWA sina Marissa at Carlos. Si Carlos ay nagtatrabaho sa diplomatic service. Sa mga unang taon ng kanilang pagsasama, laging nakabuntot si Marissa kung saan madestino ang asawa. Nang maging anim ang kanilang anak, pumirmi na lang si Marissa at mga anak sa Pilipinas. Nagpapadala ng pera si Carlos para suportahan ang pamilya at para pambili rin ng bahay at mga kotse.
Pero nasira ang pagsasama ng mag-asawa. Huminto sa pagpapadala ng pera si Carlos at hindi na umuwi sa kanyang pamilya. Hanggang nauwi sa hiwalayan ng mag-asawa. Patuloy pa rin si Marisa sa pamamahala ng kanilang mga ari-arian. Sa kinikita ng isang lupa nila sa Makati siya umaasa ng panggastos para sa sarili at anim na anak.
Nang magretiro si Carlos makalipas ang 15 taon at walang malinaw na pagkukuhanan ng kita, humingi siya ng permiso sa korte para maibenta ang isa sa kanilang ari-arian. Ayon sa kanya, 68 anyos na siya, maysakit at matanda na, mag-isa lang daw siyang namumuhay at dahil walang pinagkakakitaan, ang pagbebentahan ng ari-arian nilang mag-asawa ay makakatulong sa gastusin niya sa pagpapagamot sa hospital. Kinontra naman ito ni Marissa. Imbes ay humingi ng legal separation ang babae para pormal na hiwalayan ang asawa dahil ayon sa kanya, pagbalik ni Carlos ng Pilipinas ay nakisama ito sa ibang babae at nagkaroon ng tatlong anak. Pinagbigyan ng korte ang legal separation na hinihingi ni Marissa at kinumpiska pa nito ang naging kaparte ni Carlos sa mga ari-arian dahil sa ginawa nitong pambababae.
Nang umapela sa desisyon si Carlos, hiningi ni Marissa sa korte na pigilan si Carlos sa pakikialam sa pamamahala niya sa kanilang ari-arian, lalo sa ginagawa niyang administrasyon ng lupa nila sa Makati, pati ang pangungulit nito sa mga umuupa/tenant na nakakaapekto sa tanging pinagkakakitaan ng kanilang pamilya. Pinagbigyan ng Court of Appeals ang hiling ni Marissa at nagbaba ito ng injunction kay Carlos. Kinuwestiyon naman ito ni Carlos, ayon sa kanya, hindi puwedeng hingin ni Marissa na tumigil siya sa pakikialam sa ari-arian. Alinsunod daw sa Family Code, dapat na magkatuwang na pamahalaan ng mag-asawa ang kanilang napundar na ari-arian. Tama ba si Carlos?
MALI. Kahit sinasabi pa sa Family Code na magkatuwang na pamamahalaan ng mag-asawa ang kanilang ari-arian, maaaring magtalaga ang korte ng isa sa kanila bilang nag-iisang tagapamahala lalo at hinihingi nila ang legal separation o legal na paghihiwalay ng mag-asawa.
Sa kasong ito, kahit walang pormal na pagtatalaga ng administrador, masasabing iyon na rin ang tinutumbok ng desisyon ng korte nang bawiin nito kay Carlos ang karapatan sa ari-arian nilang mag-asawa. Hindi siya kwalipikadong maging tagapamahala ng kanilang ari-arian lalo at para na rin aprubado ng Court of Appeals ang pagiging administrador ng babae nang ipag-utos nito na bawal makialam si Carlos sa pagpapatakbo ng kanilang mga ari-arian. Kung tutuusin, tama lang ang ginawad na injunction o pagpapatigil sa pakikialam niya sa ari-arian para mapanatili ang mga ito at para pigilan si Carlos na makagawa ng paraan upang balewalain ang magiging pinal na desisyon sa kaso lalo at hindi magiging pabor sa kanya ang desisyon. (Ito ay desisyon sa kasong Sabalones vs. The Court of Appeals, G.R. No. 106169, February 14, 1994).
- Latest
- Trending