KASISIMULA pa lang ng 2012, trahedya kaagad ang sumalubong sa bansa. Isang landslide sa Compostela Valley, Mindanao ang pumatay sa 25 tao, habang higit 100 pa ang nawawala. Kilalang lugar ng pagmimina ang pinagganapan ng landslide, pangalawa na sa loob ng walong buwan. Ang tuloy-tuloy na pag-ulan ang malamang na sanhi ng pagguho ng lupa. Pero kung may naganap na landslide kailan lang, hindi pa ba natuto ang mga tao doon? Bakit pinagpatuloy ang pagmimina kung peligroso na ang lugar? Patunay na hindi talaga natututo ang karamihang Pilipino sa mga trahedyang nagaganap. O maaaring may ibang dahilan.
Mataas ang presyo ng ginto ngayon kaya walang tigil sa pagmimina, kahit nasa peligro ang buhay araw-araw. Sigurado ako na ginawa lahat ng mga mining company ang lahat para hindi matigil ang pagmimina ng lugar, na kilalang mayaman sa ginto. Kaya huwag nang magulat sa mga namamatay sa mga minahan, at siguradong hindi magpipigilan ng ilangdaang bangkay ang patuloy na pagmimina sa bansa, partikular sa lugar na ito. Ilang beses nang nagkaroon ng landslide sa Compostela Valley, pero wala pa ring paghinto ng magmimina. Wala pa ring ginagawa ang mga opisyal.
Ikinababahala naman ng ilang ahensiya ang patuloy na pag-ulan sa Mindanao, na maaaring magdulot ng paulit-ulit na pagbaha sa rehiyon itong mga unang linggo ng taon. Hindi pa nga nakakabangon nang husto ang mga bikitma ng bagyong Sendong, eto naman at patuloy pa rin ang pag-ulan. Tila hindi maganda ang simula ng taon para sa isla ng Mindanao. Patuloy rin ang babala ng ilang ahensiya sa mga naninirahan pa rin sa mga lugar katulad ng pinagganapan ng landslide sa Compostela Valley. Pero ang dapat gawin ay magpadala na ng mga sundalo at piliting paalisin na ang mga naninirahan doon, dahil hindi naman sila makikinig sa mga babala, kahit ilang ulit pang sabihan. Hindi na dapat sila inaabiso lamang, kundi pagbawalan na. Likas na kaugalian din ito ng Pilipino. Ano naman ang halaga ng ginto na makukuha mula sa bundok, kung buhay mo o ng iyong kapamilya ang kapalit? Aanhin mo ang kayamanang makukuha, kung patay ka naman? Kailangan intindihin ng industriya ng pagmimina na mas nauuna dapat ang kaligtasan ng mga nagtatrabaho sa mga mina, bago ang kita. Kung namamatay lang ang mga trabahador, sino pa ang magmimina para sa kanila?