'Bully sa Quezon City Hall'

ISANG alyas Warrior ang itinimbre sa BITAG na sumusobra na raw sa kanyang pambabraso at pagbabanta sa mga empleyado ng Quezon City Hall.

Magmula sa Engineering Department, Business Permit and Licensing hanggang sa Treasurer’s Office, umaaray ang mga empleyado sa pambu-bully ng taong ito.

Umano’y kaibigan daw ni Mayor Bistek ang mga may-ari ng mga negosyong ito kaya’t hindi dapat na pinapahirapan.

Isa sa estilo umano nito, pilitin na papirmahin ang mga Quezon City Business Taxes Evaluator na ideklarang mababa ang sales o kita ng mga negosyong kakilala o hawak niya.

Umaangal at hindi pumapayag ang mga empleado ng Quezon City Hall sa gustong mangyari nitong si Alyas Warrior.

Taliwas daw ito sa kanilang sinumpaang tungkulin bilang taong gobyerno at nilalabag nito ang utos mismo ng mayor ng Quezon City na itaas ang koleksiyon ng buwis ng lungsod.

Ala-pulis daw kung mambraso itong si Alyas Warrior. Pirmahan lamang daw ng evaluator ang papel na kanyang hawak at siya na ang bahalang maglagay ng idedeklarang sales sa record ng establisimento.

Kapag hindi pumayag ang mga empleadong kausap, nagbabanta raw itong ipapatanggal sa trabaho ang mga pobreng tapat lamang sa kanilang trabaho, dahil malakas daw siya kay Mayor.

Dagdag pa ng mga tipster, umaastang empleyado ng Quezon City Hall itong si Alyas Warrior subalit   hindi naman.

Kilala ng BITAG si Mayor Herbert Bistek Bautista. Sigurado kaming hindi niya nalalaman ang name dropping na subject ng reklamong ito.

Alam naming hindi niya kukunsintihin ang mga ganitong asal at maling gawain sa kanyang balwarte.

Kung kakailanganin man ni Mayor Bistek ng tulong ng BITAG para maidokumento ang mga gawain nitong ni Alyas Warrior, hindi kami magdadalawang-isip na gawin ito.

Anumang katiwalian tulad ng pandaraya, pang-aabuso sa kapwa at lalung-lalo na ang pambu-bully, trabaho naming tuldukan yan.

Alyas Warrior, nasa surveillance list ka na ng BITAG, oras na dumating sa aming tanggapan ang mga biktima mo, babalatan namin ang mga maling gawain mo.

Sa ngayon, haha-ya­ an ng BITAG na si Mayor Bistek ang dumisiplina sa’yo!

Show comments