DAPAT na ngang ipagbawal nang tuluyan ang firecrackers. Dapat sa sunod na selebrasyon ng bagong taon ay wala nang paputok kundi pawang pailaw (fireworks) na lang. Paano’y nalampasan na ang mga naging biktima ng paputok ngayon ang mga nabiktima noong nakaraang taon. Umabot na sa 949 ang mga nabiktima ngayong taon kaysa noong nakaraang taon na umabot sa mahigit 700. Ayon sa Department of Health (DOH) mas naging mabangis ang mga nagpaputok ngayon sapagkat walang takot kung sindihan ang mga bagong imbentong paputok gaya ng “Goodbye Philippines”. Sa lakas ng paputok na ito, naputol ang kanang paa ng isang 30-anyos na lalaki sa Bulacan nang maihagis sa kanyang paanan ang “Goodbye Philippines”.
Nalulungkot ang DOH sapagkat lumaki pa ang bilang ng mga nabiktima. Hindi nila inaasahan ito sapagkat naging masigasig sila sa kampanya na mag-ingat ang mamamayan sa pagpapaputok. Nagpaanunsiyo pa sila sa TV at diyaryo para mabigyan nang babala ang mamamayan ukol sa masamang dulot ng paputok. Hinihikayat nilang huwag nang magpaputok at sa halip ay magtorotot na lang para maging ligtas ang pagdiriwang ng bagong taon. Pero maraming matigas ang ulo at kung ano ang pinakamalakas na paputok ay iyon ang sinisindihan.
Ang ikinatutuwa ng DOH sa kabila na maraming nabiktima, kaunti lamang ang namatay dahil sa paputok. Dalawang bata ang naiulat na namatay makaraang masabugan sa mukha ng kanilang kinolektang paputok. Noong nakaraang taon, anim ang namatay dahil sa paputok.
Maraming sumasang-ayon na tuluyan nang ipagbawal ang paputok para wala nang nadidisgrasya. Makakatipid din ang gobyerno sapagkat wala nang gagastusang biktima ng paputok. Naglalaan umano ang gobyerno ng P25,000 bawat isa sa mga nabibiktima ng paputok. Pero kahit na balak pa lamang, marami nang umaangil at sinabing hindi mapatitigil ang pagpapaputok sapagkat bahagi na ito ng kultura. Kahit daw si President Marcos noong panahon ng martial law ay hindi naipatigil ang paputok.
Sa Davao City ay naipatutupad na walang putukan. Ang sinumang magpaputok ay ikukulong. Kung kaya ng mayor doon na ibawal ang pagpapaputok, makakaya rin ito sa Metro Manila.