ANG labis na pag-inom ng alak ay hindi mabuti dahil nagsasadlak sa kapahamakan. Gaya nang nangyari sa isang lugar sa Tondo, kamakalawa ng gabi kung saan pinagbabaril ng isang lasing na lalaki ang kanyang asawa, biyenang babae at hipag.
Sa pagsisiyasat ng mga imbestigador ni Sr. Insp. Joselito de Ocampo ng Manila Police District-Homicide Division lu-malabas na nag-init umano ang ulo ng suspek na si Ronald Cruz, taga-1220 A. Masinop St., Tondo, sa kanyang asawang si Gina matapos na hindi ito mapagsilbihan ng hinihinging pulutan. Nag-away ang mag-asawa at binugbog umano ni Ronald si Gina. Agad na sumaklolo ang panganay na anak ng mag-asawa na si Raprap. Inawat ang ama. Subalit lalo umanong naburyong si Ronald at binatukan ang anak na lalong ikinainis ni Gina at naging mainit ang pagtatalo. Kinuha ni Ronald ang 9 mm. na baril at binaril ang asawa.
Nang marinig ng biyenan na si Mrs. Senecia Valencia ang putok, agad itong sumugod upang alamin ang pangyayari. Si Mrs. Valencia ay nasa kabilang kuwarto lamang. Subalit sinalubong ito ng putok na ikinahandusay nito sa beranda. Sumaklolo ang hipag ni Ronald na si Loreta Ventura at niyakap ang nakahandusay na ina. Ngunit tila baliw na yata ang suspek at binaril si Loreta. Tinangka namang agawin ng Amerikanong si John Walker (manliligaw ni Loreta) ang baril kay Ronald subalit pumutok ito at tinamaan sa baba (chin) ang Kano. Pagkaraan ng pamamaril, mabilis na tumakas si Ronald. Agad sumaklolo ang mga kapitbahay at kaanak at dinala sa Mary Johnston Hospital ang mga biktima. Ngunit namatay rin si Gina at Loreta.
Nakahihiya naman ang ipinakitang pagtrato ng mga doctor ng Mary Johnston Hospital kay John Walker. Sa pahayag ng mga imbestigador ng Homicide Division, kailangan daw munang magbayad si Walker bago ma-CT Scan ang baba nito na nadaplisan ng bala. Kaya sinamahan pa ng mga imbestigador si Walker sa Tayuman upang makapag-withdraw ng pera sa banko. Ano ba naman ang ospital na ito?
Tinatawagan ko si DOH secretary Enrique Ona, pakiim-bestigahan po itong MJH. Abangan!