MAG-ASAWA sina Edith at David. Mayroon silang tatlong anak na pawang nag-aaral. Sa lumalaking gastusin sa bahay at sa mahal ng bayarin sa pag-aaral ng mga bata, napilitan si Edith na tulungan si David sa paghahanapbuhay. Hiningi niya ang permiso ng mister para magnegosyo ng “buy & sell”. Pumayag naman si David. Ang nasa isip ni David, hindi praktikal at katangahan na lang kung uunahin niya ang kanyang “pride” o dignidad at pipigilan ang misis na magtrabaho dahil lang siya dapat ang tumatayong “breadwinner” o solong nagtatrabaho sa pamilya.
Nag-umpisa na nga si Edith sa kanyang negosyo. Ang una niyang binili ay mga “ready-to-wear” na damit pambabae. Sa sipag at tiyaga, lumago ang negosyo ni Edith at natulungang tustusan ang mga gastusin ng pamilya tulad ng pag-aaral ng mga bata, pagkain at iba pa. Siyempre pa ay tinatanggap ito lahat ni David lalo at medyo nawala sa kanya ang bigat ng pasanin na pagkasyahin sa suweldo niya ang lahat ng gastusin.
Kaya lang, tulad sa lahat ng negosyo, laging may pagsasapalaran, minsan talo at minsan panalo. Nagkaroon ng utang si Edith kay Emma na isa ring negosyante. Sa katunayan, nakakuha si Emma ng desisyon laban kay Edith at upang maipatupad ang nasabing desisyon, pinabatak ni Emma ang mga ari-arian: Lupa, bahay at pati mga appliances nina Edith. Sa puntong ito, nakialam na si David bilang administrador ng ari-arian nilang mag-asawa o “conjugal partnership”. Ayon sa lalaki, hindi puwedeng kunin ni Emma ang napundar nilang ari-arian bilang pambayad sa mga pagkakautang ng kanyang misis. Tama ba si David?
MALI. Walang dudang nagnegosyo nga si Edith at ito ay hindi tinutulan ni David. Sa katunayan pa nga, pumayag si David sa pagnenegosyo ng kanyang misis. Hindi rin maitatanggi na nakinabang si David sa tubo ng negosyo ni Edith dahil ginamit ito para nga bayaran ang gastusin ng pamilya. Sa mga sirkumstansiyang ito, tama lang na habulin ni Emma ang ari-arian ng mag-asawa dahil ang asuntong nabanggit ay parte lang ng pagnenegosyo ng kanyang misis. Natural lang na pananagutan ng ari-arian/partnership nina Edith at David ang mga utang at obligasyones ni Edith. Tutal ay nakinabang din naman ang pamilya sa tubo at kita ng negosyo ni Edith.
(Ito ay desisyon sa kasong Mariano vs. Court of Appeals, 174 SCRA 59.)