Ipagbawal na ang paputok
PERWISYO ang dulot ng firecrackers sa Metro Manila bukod kasi sa 476 katao na naputukan, naantala pa ang paglipad ng mga eroplano sa Ninoy Aquino International Airport matapos balutin ng smog ang buong kapaligiran. Marami sa mga balikbayan ang nainis dahil sa abala. Napilitang i-divert sa Diosdado Macapagal International Airport sa Angeles City ang lahat ng flights ng eroplano upang makaiwas sa aksidente dahil sa kapal ng usok mula sa firecrackers.
Naitala ng Bureau of Fire Protection ang 18 sunog sa Metro Manila kung saan dalawang tao ang namatay at libong pamilya ang nawalan ng tahanan at ari-arian.
Maituturing na tagumpay naman ang kampanya ng Philippine National Police dahil nabawasan ang nagpaputok ng mga rebintador noong Bagong Taon. Bumaba ng may 13% ang nasabugan ng firecrackers. Mas magiging matagumpay ito kung lubusan nang ipagbabawal ang pagpaputok sa hinaharap. Maaaring wala nang mapuputulan ng daliri, kamay at paa.
Pumalpak naman ang kampanya ng PNP laban sa mga nagpaputok ng baril. Umabot sa 14 katao ang naitalang tinamaan ng ligaw na bala at dalawa sa mga ito ang namatay. Isinasabay ng mga nagpapaputok ng baril habang nasa kasagsagan ang pagpapaputok ng rebintador kaya marami ang tinamaan. Sumpain sana ng Diyos ang mga nagpaputok ng baril.
Habang abala si PNP chief Dir. Gen. Nicanor Barto-lome at NCRPO chief Dir. Alan Purisima sa pag-amoy sa kapaligiran upang matunton ang mga nagpaputok ng baril noong Bagong Taon, isinailalim naman ng limang police district sa Metro Manila ang pagtsek sa mga binusalang baril ng mga pulis upang masigurong hindi sila lumabag sa kautusan.
Abalang-abala naman ang mga tauhan ni DOH secretary Enrique Ona sa mga naputukan. Tiyak na milyong piso na naman ang gagastusin ng pamahalaan sa mga naputukan.
Panawagan ko kay President Noynoy Aquino, tuluyan mo nang ipagbawal ang firecrackers sa buong bansa upang maiwasan ang mga sakuna. Kapag naipagbawal, magiging matagumpay ang ninanasa mong matuwid na landas.
- Latest
- Trending