SINAKDAL ng katiwalian sina Gloria Arroyo, Mike Arroyo, dating transportation-communications secretary Leandro Mendoza, at dating Comelec chairman Benjamin Abalos. Lilitisin sila ngayon ng Sandiganbayan. Maraming implikasyon ang paghablang ito nu’ng Huwebes ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Una, katiwalian lang ang sakdal laban kina Gloria, Mike at Mendoza. Ito’y bagama’t ang isinampang reklamo nina Rep. Teddy Casiño at aktibistang sina Liza Maza at Carol Araullo ay pangungulimbat (plunder). Ayon sa Ombudsman panel na nag-imbestiga, hindi sapat ang ebidensiya ng pangungulimbat, pero sobrang-sobra ang sa katiwalian.
Ikalawa, meron naman pala talagang prima facie evidence laban kina Gloria, Mike at Mendoza, kaya nakitaan sila ng probable cause ng katiwalian. Nu’ng Mayo 2010, inalis silang tatlo ni noo’y-Ombudsman Merceditas Gutierrez sa charge sheet dahil wala raw katibayan ng pagkakasangkot. Tinalikuran ni Gutierrez ang ilang punto: ang pagmamadali ni noo’y Presidente Gloria ng kontratang labag sa interes ng mamamayan; ang pakikipag-golf nina Gloria at Mike sa executives ng ZTE Corp. sa China nang niluluto pa ang deal nu’ng Disyembre 2006; at ang pagpirma dito nina Mendoza at Gloria nu’ng April 2007.
l Marami pa ring pinalusot sa sakdal si ngayo’y Ombudsman Morales: Sina transportation-communications assistant secretaries Lorenzo Formoso at Elmer Soñeja; ang mga alipores ni Abalos na sina Ruben Reyes, Leo San Miguel, General Quirino dela Torre, at Jimmy Paz; at executives ng ZTE Corp. na sina Yu Yong, Hou Weigui, George Zhu Ying, at Fan Yan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com