EDITORYAL - 5 bomba noong Dis. 30, 2000
TUWING Disyembre 30, ang laging naaalala ng mamamayan sa petsang ito ay ang kamatayan ng pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Binaril si Rizal noong Disyembre 30, 1896 sa Bagumbayan (ngayon ay Luneta). Ang pagpatay kay Rizal ang naging mitsa para mag-alsa ang mga Pilipino sa Kastila. Nabuhay ang pagka-makabayan ng mga Pilipino at lumaban sa mga mananakop sa kabila ng kakulangan sa armas. Maraming namatay bago nakamtan ng mga Pilipino ang kalayaan.
Subalit isa pang pangyayari ng Disyembre 30 ang hindi na rin mabubura sa isipan ng mamamayan. Hindi malilimutan ang limang sunud-sunod na pambobomba noong Disyembre 30, 2000. Unang binomba ang isang tren ng LRT habang nakahimpil sa Blumentritt Station sa Sta. Cruz, Manila. Sunod na binomba ang isang pampasaherong bus sa EDSA. Ilang minuto ang nakalipas, isang bomba ang sumabog sa Plaza Ferguson sa may Roxas Blvd. malapit sa US Embassy. Kasunod ay ang pambobomba sa di-kalayuan sa isang hotel sa Makati City. Ang ikalimang pambobomba ay naganap sa malapit sa Ninoy Aquino International Airport.
Sa mga naganap na pambobomba, pinaka-maraming namatay sa tren ng LRT kung saan 14 na tao ang namatay at mahigit 100 ang nasugatan. Karamihan sa mga namatay ay mga bata. Ang ilan ay patungo sa pamimili ng kanilang mga iha-handang pagkain para sa Bagong Taon. Nagkalat ang mga bangkay. Maraming dugo ang nagkalat. Nakapangingilabot ang iyakan. Walang tigil ang mga ambulansiya sa paghahatid ng mga nasugatan ay nasaktan sa ospital. Ang usok na nilikha ng bombang sumabog ay nakasusulasok ang amoy. Nakihalo ang amoy sa sariwang laman ng tao na nagkalat sa maraming bahagi ng tren.
Mga terorista ang sinasabing nagtanim ng bomba. Mga walang kaluluwang ang pinuntirya ay ang mga walang malay at inosenteng mamamayan. Mga taong walang pagmamahal sa kanilang kapwa. Sa nangyaring pambobomba ay lubusang nakita ang kahinaan ng pulisya. Bakit nakalusot sa kanilang intelligence ang mga nagtanim ng bomba? Hindi lamang isa kundi lima pa.
Ngayon ipinagmamalaki ng PNP na nakahanda sila para protektahan ang mamamayan. Naka-alerto raw sila. Nakahanda sila para harapin ang mga may masamang tangka. Sana nga ay totoong handa sila. Sana ay hindi na makalusot ang mga mambobomba.
- Latest
- Trending