Editoryal - Magtanim ng puno, hulihin ang pumuputol sa mga puno!
NGAYONG nananalasa ang baha at marami nang sinisira, saka lamang lubusang napagtutuunan ng pansin ang pagtatanim ng mga punongkahoy. Maraming nagpapayo na magtanim ng mga puno para mapigilan daw ang pagbaha. Ang pamahalaan ay nananawagan na magtanim ng mga puno ang mamamayan. Wala na umanong mga puno sa mga kabundukan at kagubatan dahil pinutol na ng illegal loggers. Nagtaka nga si President Aquino nang malamang maraming puno ang pinutol sa Cagayan de Oro City at Iligan City sa kabila na ipinag-utos niya na bawal magputol ng puno.
Kamakalawa, nagkaroon din nang malaking pagbaha sa Surigao at Bukidnon at maraming pamilya ang inilikas. Isang low-pressure area ang dahilan kaya nagkaroon ng pag-ulan. Hindi na hinintay pa ng mga residente na tumaas ang tubig at agad silang umalis sa takot na tangayin sila ng baha at malunod gaya nangyari sa CDO at Iligan cities. Ang walang patlang na pagputol sa mga puno sa Surigao at Bukidnon ang itinuturing na dahilan kaya nagkaroon nang malaking baha.
Ang pagtatanim ng puno ang pinaka-epektibong paraan kung paano mapipigilan ang pagbaha. Tama ito. Noon pa ay ginagawa na ang pagtatanim ng puno. Noong mga huling taon ng dekada 70, obligado ang mga estudyante na magtanim ng punongkahoy. Ang mga sumasali sa Alay Lakad noon ay kinakailangang makapagtanim ng puno. Ang mga kadete ng ROTC ay nagtutungo sa mga kabundukan at nagtatanim ng mga puno. Ang mga estud-yante ay kailangang sumailalim sa Youth Civic Action Program (YCAP) at nararapat na makapagtanim sila ng puno sa mga kalbong bundok.
Marami nang naitanim na mga puno ang mga estudyante pero ang tanong ay naalagaan ba ang kanilang mga itinanim. Hindi kaya namatay ang mga puno dahil wala namang nag-aalaga. Basta itinanim lang at iniwan na. Ni hindi na pinag-aksayahang bisitahin para matiyak kung nabuhay ang mga ito. Ginastusan nang malaki ang mga seedlings pero pababayaan din pala sa dakong huli.
Ngayong panahon ni President Noynoy Aquino nararapat nang isakatuparan ang pagtatanim ng mga puno. At habang may kampanya sa pagtatanim ng puno, hulihin din naman ang mga nagpuputol ng puno. Mawawalan ng saysay ang pagtatanim ng puno kung nakaabang ang mga illegar logger.
- Latest
- Trending