NASIRA ang pangarap ni PNP chief Director General Nicanor Bartolome na zero crime ang selebrasyon ng Pasko matapos sirain ng tinopak na pulis-Bicutan. Mantakin n’yo, maitatala sana sa kasaysayan ng PNP ang pinakamatahimik na selebrasyon ng Pasko dahil halos walang naitalang krimen sa limang police districts sa Metro Manila. Naisakatuparan ni NCRPO chief Dir. Alan Purisima ang kautusan ni Bartolome. Sa katunayan, nabawasan ang pagpapaputok ng firecrackers noong Noche Buena. Wala ring naitalang stray bullet victim sa mga ospital dahil nabusalan ang barrel ng baril ng lahat ng pulis sa buong bansa. Ngunit talaga yatang mayroon pa ring pasaway at gustong umeksena sa tahimik na programa ni Bartolome.
Napatay ni PO1 Lloyd Fernandez ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) na nakabase sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang isang lalaking nakatalo nito sa Sampaloc, Manila noong gabi ng bisperas ng Pasko. Nag-ugat ang pag-init ng ulo ni Fernandez nang maharangan panandali ng sasakyan ng isang doktora ang kanyang motorsiklo. Naghatid lamang umano ng regalo sa pamilyang Solis na nasa 100 Loreto St., Sampaloc, Manila ang doctora dakong 9:30 ng gabi. Umuusok ang tumbong na kinumpronta ni Fernandez si Alberto Solis dahil sa abalang dulot ng pagharang sa kanyang motorsiklo. Humingi ng paumanhin ang pamilya Solis subalit dala ng kalasingan, binaril nito ang anak ni Alberto na si Roberto. Tinamaan sa leeg si Roberto.
Matapos ang pamamaril, pinaharurot ni Fernandez ang motorsiklo. Nang mapadaan sa G. Tuazon St. may grupo na nag-iinuman sa kalye. Agad na nagmura si Fernandez ng “gago” sa grupo kaya sinagot din siya agad ng “gago ka rin”. Muli namaril si Fernandez at bumulagta sina Jay Valenjuela at Richard Zapanta sa kalye. Susmaryusep!
Ito ba ang karapat-dapat na tagapagtanggol ng bayan na dapat na ipagmalaki ni Bartolome sa kanyang programang “Pulis Ako, Pulis nyo Po”. Pweee! Sa halip na magtanggol sa sambayanan si Fernandez bilang tagapagpatupad ng batas, aba’y siya pa mismo ang lumabag at sumira sa katahimikang inambisyon ni Bartolome. Tiyak maghihimas ng malamig na rehas itong si Fernandez habang inihahanda na rin ni NCRPO chief Director Alan Purisima ang summary dismissal at administrative cases ng tuluyang maalis ito sa PNP.
Kung hindi tinopak si Fernandez, tiyak na papalakpak sana ang buong Pilipinas sa pagpupursige ni General Bartolome.