Trahedyang CDO-Iligan magpapaulit-ulit

ITUTURO kaya ng mga imbestigador ni President Noynoy Aquino ang maysala sa trahedyang Sendong? Ito’y walang iba kundi ang kanyang National Disaster Risk Reduction and Management Council. Sila ang pinaka-malakas ngumuyngoy na huwag magbintangan kundi tumulong muna sa mga nasalanta -- pagkukubli sa kanilang mga pagkukulang.

Dalawa ang misyon ng NDRRMC: tumulong kapag may sakuna, at ibsan ang panganib at pinsala nito. Batay sa mga ulat sa Storm Sendong, sablay sila pareho. Walang sirenang babala na nagbabaha na sa Cagayan de Oro at Iligan, magulo ang pamamahagi ng pagkain sa mga biktima, kapos ang gamot. Mabilis umapaw ang mga baradong ilog, at itinumba ng putik, bato at troso ang mga kabahayan. Ibig sabihin, may nagtotroso; nagmiminang mapanira; nagtitibag ng bato; nagpa-panning, nagta-tambak ng basura, at nagbabahay nang substandard sa tabing-ilog — puro ilegal. Kaya isang libo katao ang nasawi at bilyong piso ang nasira.

Binubuo ang NDRRMC ng 21 Cabinet secretaries ni Aquino, at 17 appointees, advisers at kaalyadong politiko. Lahat sila’y nagkunsinti sa mga paglabag sa batas. Binale-wala nila ang mga detalyadong geo-hazard maps na iginuhit ng Mines and Geosciences Bureau noon pang 2003. At kinalimutan nila ang mga leksiyon ng sakuna sa Ormoc, Guinsaugon, Cagsawa, Real-Infanta, at Ondoy-Pepeng.

Sinablay ng NDRRMC ang trabaho kaya maraming nasawi at nasira kamakailan sa bagyo’t baha sa Central Luzon at Cagayan Valley, at landslides sa Cordilleras, Agusan at Surigao. Magpapaulit-ulit ang trahedya, kasi pananaw nila na mapapawi ang pait ng mamatayan at mawalan ng bahay ng mamamayan kapag abutan nila ng isang supot na bigas at isang boteng tubig.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments