SABIK na sabik sa Kapaskuhan ang mga bata sa orphanage. Ito ang panahon na magsasabit sila ng makukulay na papelitos sa bintana. Mag-aawitan sila tuwing hapon para magsanay. ’Yung iba tutugtog ng gitara, sasayaw, tutula. Itatanghal lahat sa Christmas party. Masaya ang party dahil masarap ang pagkain: Mainit na chicken lugaw, tinapay na may keso, at malamig na juice. May mga regalo pang manyika o kotse-kotsehan. Kung minsan may nagbibigay ng damit.
Bago lang si Junjun sa orphanage. Nasawi ang kanyang nanay at tatay sa aksidente sa highway. Nu’ng una kinupkop si Junjun ng tiyahin. Pero dahil biyuda at tatlo ang batang anak, hindi makayanan ng kinikita ng tiyahin sa paglalabada ang dagdag na bibig na pakakainin.
Hindi sumasali si Junjun sa ensayo ng kantahan. Tumulong siya sandali sa paggupit ng papelitos, pero nainip. Naupo na lang sa sulok tulad nu’ng unang araw niya sa orphanage. Nang umaga ng party, namahagi ang doktor ng tig-isang orange: Mabango, matamis. Pero may problema. Hindi nabatid ng doktor na kulang ng isang orange. Wala para kay Junjun.
Nakatingin lang si Junjun sa ibang mga bata na nagtatalop ng orange nila. Nakatumpok sila sa gitna ng silid. Tapos lumapit sila kay Junjun. Iniabot sa kanya ang isang mabilog na ibinalot sa tissue paper. Tinanggap ito ni Junjun. Pagbukas niya ng tissue, tumambad ang mga balat ng orange. At sa gitna nito ay slices ng orange — tig-isa na iniambag ng mga kapwa-ulila para magkaroon din ng orange si Junjun.
Ang saya ni Junjun at ng mga bata sa Christmas party.
(Sana nitong Kapaskuhan, pasyalan ninyo ang pinaka-malapit na orphanage, at mag-ambag ng pagkain, laruan, damit.)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbon doc@gmail.com