BUONG tapang na nagpahayag na hindi tatakbo o magtatago at haharapin ang mga kasong isasampa sa kanya. Kinabukasan, napigilan ng Bureau of Immigration si retired Maj. Gen. Jovito Palparan na paalis na sana ng bansa patungong Singapore, at sa Clark pa kumuha ng eroplanong sasakyan! Kung sa NAIA kasi ay siguradong mapapansin siya, lalo na matapos ang planong pag-alis din sana ni dating President Gloria Arroyo. Ngayon, nawawala na at hinahanap ng mga otoridad dahil may arrest warrant na siya. Sana noon pa ay naglabas na ng warrant, para nahuli na kaagad nung nagmamatapang na hindi tatakbo. Nakikita na talaga ang karakter ng “heneral” na ito. Magsama na sila ng mga kapwa niyang “heneral” tulad ni Garcia at Ligot!
Nag-utos na ng manhunt ang DOJ para kay Palparan at isa pang akusado na si Master Sgt. Rizal Hilario. Dalawang akusado ay kusang sumuko na sa PNP, sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at si S/Sgt. Edgardo Osorio. Taon 2006 pa nang mawala ang dalawang UP students. Kung kusang sumuko yung dalawang akusado, dapat may magsalita na sa kanila. Sa mga ginawa ni Palparan na pagtangkang umalis at pagtago, napakalakas na ng hinala na talagang may kinalaman siya at ang kanyang mga sundalo sa pagdukot at pagkawala ng dalawang babae. Hustisya ang sinisigaw ng lahat, lalo na ang mga magulang ng dalawang babae. Sana makamtan na nila sa lalong madaling panahon. Mahuli na sana ang “berdugo” na nagtatago na, tila nabahag na ang buntot!
Sa administrasyon ni President Aquino, sana naman ay walang basta-bastang mawawala na lang, lalo na mga mag-aaral! Halos lahat ng administrasyon, lalo na ang nakaraan, ay may kasaysayan ng mga nawawalang tao. Sana rin, sa ilalim ng administrasyong Aquino, mabigyan na ng sagot ang mga pamilya ng mga nawawalang tao sa mga nakaraang taon. Marami pa sila, na wala nang balita dahil hindi na rin nababalita sa media. Ang pinuno ng Pilipinas ang Commander-in-Chief ng AFP. Dapat alam niya ang lahat ng ginagawa, at nagawa ng kanyang militar. Kailangan niyang maging iba sa mga nakaraang presidente. Bigyan niya ng sagot ang desaparecidos. Hanapin si Palparan sa lalong madaling panahon!