Tulungan natin ang mga binaha

MATAPOS masaksihan ni President Aquino ang kalunos-lunos na epekto ng Bagyong Sendong sa Cagayan de Oro at Iligan cities, binigyan niya ng tatlong buwang palugit ang lahat ng ahensiya upang matumbok kung sino ang dapat managot sa pagkamatay ng mahigit sa 1,000 katao. Kitang-kita ni P-Noy ang mga troso na sumagasa sa mga kabahayan. Napagtanto niya ang kalapastanganan ng mga ganid na illegal loggers. Dahil diyan, dineklara ni P-Noy ang national calamity kaya ang lahat ng mga residente roon ay makakautang sa pamahalaan nang walang tubo. Maging ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin ay iniutos niyang huwag itaas.

Sa tingin ko, seryoso si P-Noy na mapanagot ang mga kasangkot sa trahedya. Ang masakit, mukhang hindi kayang suportahan ng pamahalaan ang pagpapakain sa may 50,000 katao na nasa evacuation center dahil sa kakapusan ng pananalapi ng kaban ng bayan. Kaya nananawagan si P-Noy sa mga kababayan natin na may kabutihang puso na tumulong sa mga biktima. At bilang tugon sa panawagan ni P-Noy agad na nagpadala ng tulong ang mga kaibigang Chinese-Filipino Fire Volunteers na naka-base sa Binondo. Agad silang namudmod ng may 1,000 relief good ang volunteers group TXTFire Philippines sa Cagayan de Oro City. Apat na evacuation center ang nabiyayaan nang maagang pamasko mula sa tagapangulo ng TxtFire Phils. na si Gerry Chua.

Ngayong araw na ito, muling magtutungo ang ilang grupo pa ng volunteers sa Iligan City upang mamahagi rin ng tulong. Malaking bagay ito para sa ating mga kababayan na kahit sa kaunting bagay na napag-ipunan ng Fire Volunteers ay magkalaman ang kanilang sikmura at mabibihisan din sila. Magsusuplay din sila ng inuming

tubig. Maging ang Armed Forces­ of the Philippines (AFP) ay isinakripisyo ang kanilang taunang selebrasyon budget. Ang mga allowance nito ay ibi­nigay upang maibili ng pagkain at damit sa mga kababayan nating labis na sinalanta ng bagyong “Sendong”.

Mga suki, uulit-ulitin ko ang panawagan na tumulong tayo sa mga kababayang sinalanta ni Sendong. Ang lahat na maiiambag ninyo ay maaring ibigay sa ating Fire Volunteers group sa Binondo o kayay idirekta sa Philippine National Red Cross office sa may Port Area, Manila. Tulungan natin sila mga suki!

Show comments