No Big Deal

Binabatikos ngayon si Presidente Noynoy Aquino dahil sa pagdalo umano sa party ng Presidential Security Group (PSG) sa kasagsagan ng bagyong Sendong na pumatay ng humigit kumulang sa isang libo katao sa Mindanao.

Hindi ko laging kinakampihan si P-Noy. Madalas ko rin siyang pitikin sa ilang aksyon na di ko sinasang-ayunan. Pero sa usaping pagdalo sa Christmas party, hindi ko matatawag itong “big deal” na batik sa kanyang pagkatao. Pasko eh. Kahit boss sa kompanya, kapag may Christmas party ng alin man sa kanyang departamento, kailangan ang kanyang presensya. Hindi naman siya nagpabaya sa situwasyon sa Mindanao.

Kundi dahil sa sinabi ng aktres na si Valerie Concepcion sa kanyang Twitter account, di na sana lumaki ang isyu. Pero hindi malisyoso ang twitter base sa narinig ko. Nasabi lang ni Valerie na natawa si P-Noy sa kanyang joke.

Ang masama at kabati-batikos ay kung walang gina­wang aksyon ang gobyerno sa nangyaring delubyo na higit na puminsala sa Cagayan de Oro. Ngunit well-organized naman at nagtutulungan ang gobyerno at mga pribadong samahan sa pagsasagawa ng tulong sa mga sinalanta ng kalamidad na kumitil sa buhay ng halos libong kababayan natin sa lugar.

Pero dapat marahil ay nagbitiw ng maigsing pananalita si P-Noy sa party ng PSG at sinabing “ huwag nating kalimutan na habang ipinagdiriwang natin ang kaarawan ng Panginoong Hesus ngayon ay may mga kababayan tayo sa Mindanao na dapat tulungan.” That could have made an altogether different story.

Isa pa, ang Christmas ay isang importanteng okasyon lalo pa’t ang ipinagdiriwang natin ay ang kaarawan ng ating Panginoong Hesus.

Dangan nga lang, marami ang nakalilimot sa tunay na diwa nito at ang iniintindi ay ang inuman, kainan at pagpapalitan ng regalo. Nalilimutan natin ang importanteng regalo ng Dios sa sangkatauhan: Si Jesu-Cristo na susi ng ating kaligtasan.

Advanced Merry Christmas sa inyong lahat. Always remember that Jesus is the only reason for this season.

Show comments