NAPAGKUWENTUHAN namin ng aking anak na si Se-nate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang sinasabing grabeng dayaan noong 2004 presidential election. Maraming naniniwala na dinaya noon ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) ang hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. (FPJ). Noong hawak pa ni GMA ang poder ay ginawa ng kanyang kampo ang lahat ng paraan upang ang mga may nalalamang impormasyon tungkol sa naturang dayaan ay hindi makapagsalita. Ang “Hello Garci scandal” at manipulasyon ng mga balota sa Mindanao ay nabisto noon, pero hindi nasiyasat nang husto dahil sa pagmaniobra ng mga dating nasa kapangyarihan.
Pero ayon nga sa kasabihan… “ang anumang lihim ay mabubunyag sa takdang panahon.” Ngayon ay napakarami nang mga nasisiwalat na impormasyon at lumalantad na mga testigo at pati mismo ang ilang may direktang ginampanang papel sa dayaan.
Si GMA ay nasampahan na ng kasong “electoral sabotage” dahil sa umano’y pandaraya sa 2007 senatorial election. Naniniwala ang marami na magkaugnay ang naging dayaan noong 2007 election sa 2004 presidential election.
Kamakailan, ginunita ang anibersaryo ng pagkamatay ni FPJ kung saan ay muling dumagsa ang kanyang supporters. Anila, hindi sila nawawalan ng pag-asa na darating ang panahon na mabubunyag ang mga detalye ng dayaan sa halalan at mapagtitibay ang katotohanang si “The King” ang nanalo.
Kaugnay nito ay lumalakas ang panawagan na kilalanin at iproklama si FPJ bilang nanalong ika-14 na presidente ng bansa at tanggalin ang naturang titulo kay GMA. Ayon kay Ms. Susan Roces at anak na si Grace Poe-Llamanzares, ang hakbangin ay bilang pagwawasto sa kasaysayan.
* * *
Happy b-day: Negros Occ. Rep. Alfredo Maranon (December 21); Masbate Rep. Vida Espinosa at Rep. Emilio “Miling” Espinosa (Dec. 23).