MADADAGDAGAN na naman ang hangin na may lason kapag nagpalit ang taon. Sasalubungin ng putukan ang 2012 at mababalot na naman sa usok ang Metro Manila at mara-ming lugar sa buong bansa. Marami na namang maysakit sa respiratory system ang mahaharap sa pagsubok. Maraming may hika ang mahihirapang huminga dahil sa makapal na usok na bunga ng mga pinasabog na Judas belt, pla-pla, kuwitis, rebentador at marami pang paputok. Marami na namang lason ang iko-contribute sa dati nang may lasong hangin. Bubulaga sa mamamayan ang may lasong hangin na maaari namang maging malinis kung magkakaroon ng political will ang mga namumuno sa bansang ito.
Isa ang Metro Manila sa mga siyudad sa Asia na may pinaka-maruming hangin. Ang maru-ming hangin na ito ang unti-unting pumapatay sa mamamayan. Maraming nagkakasakit at ginagastusan ng gobyerno at mga nakaratay sa pampublikong ospital. Gumagastos ang gobyerno gayung maaari namang mapigilan ang mga lumalason sa kapaligiran.
Numero unong nagdudulot ng polusyon sa hangin ay ang mga sasakyang nagbubuga nang maitim na usok. Maraming kakarag-karag na bus ang yumayaot sa EDSA at iba pang malalaking lansangan. Sa ilalim ng Clean Air Act of 1999, bawal nang ibiyahe ang mga sasakyang luma, bawal din ang pagsusunog ng mga basura, bawal ang paggamit ng incinerators at maraming iba pa na nagbubuga nang may lasong usok.
Subalit walang pangil ang Clean Air Act. Inutil ang batas na ito laban sa smoke belchers, nagsusunog ng basura at gumagamit ng incinerators. Mahigit 10 taon na ang nakalilipas mula nang ipasa ang Clean Air Act pero hanggang ngayon, marumi pa rin ang hangin.