DAHIL sa tindi ng trapik ngayon sa Metro Manila, napipilitan akong mapansin ang ilang mga bagay-bagay sa kalye dahil hindi naman umaandar ng matulin ang sasakyan. Ngayon ko lang napansin na nilagyan pala ng tiles ang dingding sa may underpass sa EDSA/Aurora at EDSA/P. Tuazon. Makukulay ang mga tiles, na umabot sa halos tangkad ng isang tao mula sa bangketa ng EDSA. Hindi ako sigurado kung may pakinabang ang mga ito sa baha, dahil sa underpass nga nilagay at hindi naman buong pader ng underpass ang nilagyan. O kaya’y pampaganda lang ng underpass. Puti ang tiles pero may mga ilang bahagi na makukulay na tiles ang kinabit.
Naisip ko na nung bagong kabit siguro ito ay maganda at malinis tingnan. Kaya lang, nang napadaan ako habang trapik sa EDSA, napansin ko na saksakan ng dumi ang mababang bahagi ng mga tiles dahil sa talsik ng ulan, o mga namahay na tubig sa underpass kapag bagong ulan. Sa madaling salita, mas napupuna na ang dumi ngayon, dahil puti ang tiles!
Di rin ako sigurado kung nililinis ito tuwing matapos ang pag-ulan, pero parang matagal nang marumi yung mga bahaging nakita ko. Naiisip ko lang yung oras at gastos kung madalas ang paglinis ng tiles, sa lahat ng underpass na nilagyan nito. Mabuti kung ala-Singapore tayo na may pera at taong gagawa ng mga trabahong ganito. Ang problema ay hindi pa tayo umaabot doon. Pinupuri ko naman ang pagpapaganda ng lugar, kaya lang, kung hindi rin lang malilinis ng madalas, ay lalo lang mapapansin na hanggang simula lang na naman tayo. Parang yung mga sidewalk na nilinis at pinaganda sa pamamagitan ng tiles din. Ngayon marami nang sira at bitak-bitak. Yung mga makukulay na nagpapalit-palit na ilaw na nakakabit sa mga poste ng Nagtahan Bridge, marami nang pundido at marurumi. Ang mga ilaw-kalye na pinaganda o nilagyan ng konting arte o korte, marami na ring pinabayaang mapundi at mabulok.
Wala namang masama sa magpaganda ng siyudad. Walang masama ang kumilos para maging Hong Kong o Singapore na rin tayo. Pero hindi puwede yung sa umpisa lang maganda, sa umpisa lang ganado. Diyan iba ang Hong Kong at Singapore. Tuloy-tuloy ang pagpapaganda, tuloy-tuloy ang paglinis. Dahil nga may pera sila. Siguro, kung may pera ang gobyerno o ang lokal na pamahalaan, ilagay na lang muna sa mga programa na makakatulong na muna sa mga nangangailangan, at huwag ilagay sa pampaganda, na lagi na lang sa umpisa maganda.