LIMANDAANG “constables” ng Metro Manila Deve lopment Authority (MMDA) ang dineploy sa EDSA noong Miyerkules. Tinawag na “EDSA 500” ang “constables’’. Bagumbago ang asul na uniporme ng constables at kakaiba sa dati nang nakikita na tila kupasing asul. Sabi ng MMDA, binago nila ang pangalan ng traffic enforcers upang mabago ang paningin ng mamamayan sa kanila. Ayon pa sa MMDA, ang pagbabago sa pangalan at kaanyuan ng traffic enforcers ay upang hindi rin maliitin ang mga ito ng motorista. Patuloy din ang pagtanggap ng MMDA sa mga nais maging “constables”. Kailangan umano ay hindi lalampas sa 30-taong gulang, 5’7’’ ang taas, at naka-earned ng 72 units sa kolehiyo.
Handang magbago ang MMDA at tama ang naisipan nilang simulan sa pagbabago ng traffic enforcers. Ang mga corrupt ng traffic enforcers ang nagpasama sa MMDA. Walang ipinagkaiba sa mga “buwayang pulis” ang mga traffic enforcers ng MMDA na pawang pangongotong ang inaatupag kaysa ang kanilang trabahong ayusin ang trabaho. Katulad ng mga pulis na ang asul na uniporme ng mga ito ay kinatatakutan dahil sa pagiging kawatan, ganyan din ang impression sa mga traffic enforcer ng MMDA. Inilubog sa putik ng ilang traffic enforcers ang MMDA at maaaring matagalan pa bago muling manumbalik ang pagtitiwala ng mamamayan. Ang mamamayan sa panahong ito ay madaling masira ang pagtitiwala kaya hindi dapat magpakita nang masamang aktibidad.
Sinira rin ng traffic enforcers ang pagtitiwala ng mamamayan sa panahong kailangang-kailangan sila. Madalas na kapag bumubuhos ang ulan ay hindi na makikita ang traffic enforcers. Kaya ang resulta ay ang pagkakabuhul-buhol ng trapiko. Wala nang pakialam ang traffic enforcers kung ano ang mangyari sa mga sasakyang naglabu-labo. Mas lalong matindi kapag bumaha at wala nang galawan ang mga sasakyan dahil wala nang nagmamando.
Maganda ang naisip ng MMDA sa pagpapalit ng pangalan at anyo ng traffic enforcers. Magiging “constables” na sila ngayon. Ingatan lamang na hindi sila mauwi sa “kotongstabols”.