BAGO pa man nanungkulan si P-Noy ay galit na ito kay Chief Justice (CJ) Rene Corona. Naudlot kasi ang pagtalaga ng sarili niyang kandidato sa posisyon. Kaya mula Day 1 ng kanyang termino ay hindi na ito nirespeto. Lahat ng pagkatalo sa hukuman, sinisi kay CJ Corona. Tuloy, may kumbinyenteng dahilan kung bakit tumirik ang pinangakong kampanya laban sa katiwalian. Siyempre, hindi na inisip na kung pulido lang sana ang trabaho ng kanyang mga abogado ay hindi sana ibinasura ang mga opisyal na kautusan.
Walang ganitong kinimkim na poot ang mababang kapulungan, at least hanggang sa biglang pinatigil ng Mataas na Hukuman ang hearing ng Committee on Justice sa reklamong impeachment laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez. Mula noon ay nagpanting na rin ang tenga ng mga Kongresista at naghintay lang ng opening upang makaganti.
Sa impeachment ni CJ Corona ay nagtugma ang adhikain ng Palasyo at Kongreso na bawian ang Mataas na Hukuman.
Tao raw ni Gloria Macapagal Arroyo si CJ at hadlang sa tuwid na daan ni P-Noy. Sa totoo lang, ano man ang dahilan, hindi masisisi ang Palasyo at Kongreso dahil ang mga ito’y halal ng bayan. Ang kagustuhan ng botante ang rerespetuhin – takot lang nila, lalo na ngayon na lamang daw sa survey ang pro-impeachment. Mula sa boto ang kanilang kapangyarihan at ganoon din kadali itong bawiin.
Iba naman ang ugat ng kapangyarihan ng Mataas na Hukuman. Hindi sila halal at wala silang term – manunungkulan sila hanggang umabot sa retirement age. Wala silang pinagkakautangang botante – tanging ang konsyensya, talino at kaalaman sa batas ang paniguro na hindi sila basta magpapadala sa kagustuhan ng marami. Kung ano ang basa nila sa batas, kahit pa taliwas sa mayorya, iyon ang susundan.
Sa ganitong sitwasyon, ang Hukuman at ang kanyang independence ang pinakamabisang depensa laban sa posibleng abuso ng dalawang mas popular na sangay.
Sa kasaysayan ng pamahalaan, ang malakas at matatag na hudikatura ang laging sandigan ng karapatan ng minorya laban sa kalahatang pu-wersa ng pamahalaan.
Nung una’y nabigla ang marami sa mga binitiwang salita ng presidente na parang hinihikayat tayong mag-aklas laban sa hukuman, isang aktong labag sa batas. Ang impeachment ay prosesong nagpapatibay ng checks and balances ng demokrasya. Maging mapagmasid tayo na hindi sa personalidad nakatutok ngunit sa responsable at tamang pamamaraan ng pagtupad ng proseso.