ANG kasong ito ay tungkol kay Junior at kanyang inang si Erlinda. Si Junior ang naging bunga ng lihim na relasyon nina Erlinda at Carlos. Kasal na noon si Carlos kay Alicia at mayroon silang tatlong anak.
Sa loob ng ilang taon, paulit-ulit nagmakaawa si Erlinda kay Carlos na suportahan ang kanilang anak. Pero ayaw magbigay ng sustento ni Carlos. Bilang ina at guardian ng bata, napilitang magsampa ng kaso si Erlinda kay Carlos para kilalanin nito ang anak at bigyan ng sustento.
Hindi nagtagal, dahil na rin sa hindi inasikaso ni Carlos ang kaso, nagkaroon ng desisyon ang korte pabor kay Junior. May karapatan daw ang bata na kilalanin bilang anak sa labas ni Carlos at may karapatan ito sa sustento mula sa ama. Pinagbabayad din si Carlos ng sustento mula noong una.
Inapela ni Carlos ang desisyon. Pero dahil hindi naman talaga niya sineryoso ang responsibilidad kay Junior at dahil itinatago nga niya sa totoong pamilya ang lihim na nagkaroon siya ng anak sa ibang babae, paso na o lampas na sa taning na araw ang apelang kanyang ginawa at ibinasura na lamang ng korte. Matapos noon, kung anu-anong maniobra ang ginawa ni Carlos para makalusot sa desisyon ng Korte. Nang hindi na niya malusutan ang lahat, napilitan siyang magtapat sa kanyang pamilya. Nagulat ang asawa’t mga anak ni Carlos ngunit ito ang naging dahilan pa na magkaisa ang pamilya. Nagsama-sama ang buong pamilya para magsampa ng petisyon sa korte at ipawalambisa ang pinal na desisyon sa pagkilala kay Junior at sa pagbibigay ng sustento. Ayon sa pamilya ni Carlos, bilang kanyang mga tagapagmana, dapat daw ay isinali sila sa kaso tungkol sa pagkilala kay Junior bilang anak sa labas at dapat din ay ipinaalam sa kanila ito ng korte. Tama ba sila?
MALI. Walang kuwenta ang argumento ng asawa at mga anak ni Carlos na kailangan ay ipaalam sa kanila o isali sila sa kaso ng pagkilala at pagbibigay ng sustento sa isang anak sa labas. Una, ang kaso ay tungkol sa sapilitang pagkilala ng isang lalaki sa kanyang anak sa labas, ang taong nasa posisyon para kuwestiyunin ito ay walang iba kundi ang lalaki na ama ng sanggol. Pangalawa, sa ating batas, ang patakaran ay magulang ng bata ang dapat kasuhan sa korte upang kilalanin niya ang anak maliban na lamang kung namatay na ang magulang noong menor de edad pa lang ang bata o kaya ay matapos mamatay ang magulang, isang dokumento ang biglang lumitaw kung saan kinikilala niya ang bata bilang anak. Lahat ng sirkumstansiyang ito ay wala sa kasong nabanggit kaya ang dapat lang na sangkot sa kaso ay walang iba kundi si Carlos. Ang kanyang mga tagapagmana ay hindi na dapat isali sa kaso (Hernaez Jr. v. Intermediate Appellate Court, 208 SCRA 449).