PARANG ako ang nahihirapan habang kaharap at kinakapanayam si Janelle Manahan. Si Janelle ang nobya ng pinaslang na si Ramgen Revilla. Inayos niya muna ang kanyang sarili, humanap ng kumportableng posisyon dahil masakit pa ang mga bahagi ng katawan. Binaril si Janelle sa may kanang bahagi ng balikat, pero umabot sa kanyang mukha ang bala. Kaya medyo hindi pa mabuksan masyado ang bibig. Nakakapagsalita naman ng maayos ang magiting na babae. Hindi ko maisip kung sa akin nangyari ang ganung sitwasyon. Talagang Diyos na lang ang nagligtas kay Janelle, para siguro siya ang magbibigay liwanag sa kaso sa pagpatay kay Ramgen Revilla.
Ayon kay Janelle, nais daw niyang makausap si Ramona Bautista na tumakas at nasa Turkey na ngayon. Gusto niyang makaharap si Ramona dahil sa mga pahayag nito na kontra naman sa kanyang mga pahayag. Binigay na halimbawa yung sinabi ni Ramona na nagtago raw siya sa ilalim ng aircon, pero ayon kay Janelle ay katabi lang niya. At hiningan pa niya ito ng tulong pero parang walang nangyari sa hiling niya, kaya nag-text siya sa mga kapamilya para tulungan siya. Saka lang may dumating. Sa madaling salita, ito ang salaysay ng isang nakaligtas sa krimen, kumpara sa salaysay ng isang suspek na tumakas sa ibang bansa. Kayo ang humusga.
Pero lalong pinalakas lang ang dahilan kung bakit pinatay si Ramgen. Pera. Perang sustento mula kay dating senador Ramon Revilla Sr. Lumalabas din ang mga problema ng ina ni Ramgen, na may kinalaman din sa pera. Matinding away-kapatid din ang lumalabas. Sa ngayon, hawak ng pulis ang kapatid ng biktima na si RJ Bautista. Hawak na rin ng pulis ang ilang mga suspek. Lumantad na rin yung tinatawag na “Bryan”, pero nagsabing wala siyang kinalaman sa krimen. Ang nakakataas kilay sa kanyang sinabi ay wala naman daw binigay na ebidensiya hinggil sa anyo ng bumaril kay Ramgen, kaya bakit siya magiging suspek. Sabay alis kaagad ng presinto. Ewan ko, pero sino ba ang nagsabing may anyo ng hawak ang mga pulis? At kung ako naman ay inosente, bakit ko pahihirapan ang mga pulis na mahanap ako? Naniniwala ako na sa katapusan ng lahat ay mahuhuli at mapaparusahan ang lahat ng sangkot sa krimeng ito na tila kuwento mula sa Bibliya. Dahil ligtas na si Janelle Manahan at nakakapagsalita na, magkakaliwanag na rin ang kasong ito sa lalong madaling panahon.