MARAMING dayuhan ang magdadalawang-isip kung magtutungo pa sa Pilipinas dahil sa sunud-sunod na pangingidnap. At walang apektado rito kundi ang turismo at ang kabuhayan sa pangkalahatan. Kapag wala nang nais magtu-ngong dayuhan sa bansa, bagsak ang ekonomiya. Kahit na ano pa ang gawaing pagpo-promote ng Department of Tourism sa Pilipinas ukol sa magagandang tanawin, lugar, beaches, underground river, balewala rin. Sayang lang pagod at pera sa pagpo-promote sapagkat walang magnanais bisitahin ang bansa na pinamumugaran ng kidnapper. Dapat malansag o madurog ang mga kidnapper para walang matakot na dayuhan. Dapat maging maigting ang kampanya ng pamahalaan sa pagsawata sa kidnap-for-ransom group na namamayani sa bahaging Mindanao.
Pinaka-huling kinidnap ang Australian na si Warren Richard Rodwell, 56, sa Zamboanga Sibugay. Si Rodwell ay nagpunta rito sa bansa para pakasalan ang nobyang Pinay na nakilala niya online. Umano’y nasa kanyang bahay sa isang subdibisyon sa bayan ng Ipil si Rodwell nang kidnapin ng mga armadong lalaki noong nakaraang Lunes.
Ayon sa report, siyam na dayuhan pa ang nasa kamay ng mga kidnaper na kinabibilangan ng Chinese, Indian, Malaysian at isang Pilipino-American. Pinalaya naman noong nakaraang linggo ang tatlong Koreans na kinidnap subalit namatay ang isa dahil sa ulcer. Umano’y isang buwang hindi pinakain ang Korean. Nagbayad ng ransom ang mga kaanak ng Koreano kaya pinalaya. Nagtungo rito sa bansa ang mga Koreano upang magtayo ng negosyo.
Ipakita ng Philippine National Police (PNP) at iba pang sangay ng batas na kaya nilang putulan ng sungay at pangil ang mga kidnapper. Walang ibang inaasahan ang mamamayan kundi silang mga alagad ng batas. Sila ang may kapangyarihan para maging mapayapa at matiwasay ang kapaligiran. Kapag nagawa nila ang tungkulin, tiyak na dadagsa ang mga dayuhan, turista at investors sa magandang Pilipinas.