ITO ang kuwento ni Menchie, 28, weytres sa isang lounge sa Maynila. Maganda si Menchie. Meron na siyang boyfriend. Sa kanyang pagtatrabaho sa lounge, nakilala ni Menchie si Teddy, isang mayamang negosyante mula sa Mindanao na madalas napupunta sa Maynila dahil sa negosyo. Nagkagusto si Menchie kay Teddy. Ayon kay Menchie, may mga katangiang taglay si Teddy na hindi niya nakita kahit sa kanyang boyfriend. Halata naman talagang may gusto si Menchie sa lalaki, lalo at agad niyang tinanggap ang imbitasyon ni Teddy kahit isang araw pa lang mula nang sila ay magkakilala. Habang kumakain sa isang hotel, nagtapat na agad ng pag-ibig si Teddy kay Menchie. Matapos kumain, nakiusap si Menchie na ihatid na siya ni Teddy. Nagpanggap si Teddy na may kukunin lang sa kuwarto ng hotel. Nakumbinsi ni Teddy si Menchie na pumasok sa loob ng kuwarto. Hanggang sa magtalik sila. Matapos magtalik, ipinagtapat ni Teddy kay Menchie na may asawa siya.
Sa kabila ng rebelasyong ito, nagpatuloy ang relasyon ng dalawa. Nagtatagpo sila sa tuwing lumuluwas ng Maynila si Teddy hanggang sa mapilitang umalis ng trabaho si Menchie. Kalat na kasi ang tsismis na buntis siya. Nag-away pa sila ng boyfriend niya. Bandang huli, nagkatotoo ang tsismis at talagang nabuntis si Menchie. Hanggang manganak siya. Inumpisahan niyang hanapin si Teddy para hingan ng sustento.
Kaya lang, kahit nahanap niya si Teddy ay ayaw nitong magbigay ng sustento. Hindi naman daw sa kanya ang bata. Kinasuhan siya ni Menchie para kilalanin niya ang sanggol. Ayon kay Menchie si Teddy ang ama ng bata dahil wala namang ibang nakatalik maliban kay Teddy noong panahon na nagbuntis siya. Kaya lang, nalagay sa alanganin ang pahayag niyang ito dahil siya na rin mismo ang umamin na may boyfriend siya. May karapatan ba si Menchie sa kanyang hinihingi?
WALA. Para mabigyan ng suporta o sustento, dapat munang patunayan sa pamamagitan ng malinaw at kapani-paniwalang ebidensiya na ang lalaki nga ang ama ng sanggol. Kung tutuusin kasi, ang kautusan ng korte na kumikilala sa pagkakaroon ng anak pati ang sustentong ibibigay sa sanggol ay naghuhudyat ng hindi kaaya-ayang kapaligiran at magiging tinik pa sa pamilya o kaya ay sa buhay ng lahat ng sangkot. Sagutin ni Menchie na magpakita ng ebidensiya para patunayan ang sinasabi niya na si Teddy ang ama ng kanyang anak na sanggol. Hindi kapani-paniwala ang kanyang testimonya na walang ibang nakatalik kundi si Teddy dahil siya mismo ang umamin na mayroon siyang boyfriend. Sa kabilang banda, hindi porke nagalaw ng isang lalaki ang isang babae ay basehan na ito para bigyan siya ng karampatang danyos. Puwede lang ito kung hindi kusang-loob ang kanyang ginawa at hindi nila parehong ginusto ang nangyari. Nang makilala ni Menchie si Teddy ay 28 taong gulang na siya at siya rin mismo ang umamin na may gusto siya sa lalaki. (Constantino vs. Mendez (209 SCRA 18).