'Bogus ba ang kompanya ng insurance n'yo? Kuwidaw!'
SINASABING ang insurance ay isa sa mga secondary needs ng isang indibidwal. Dahil kampante ang isang tao na may makukuhang tulong pinansiyal mula sa insurance sa oras ng pangangailangan.
Subalit paano kung ang insurance company na iyong hinuhulugan ng monthly premiums ng ilang taon ay nalaman mong bogus pala?
Ganito ang sumbong ng mga biktimang lumapit sa BITAG. Ang pekeng kompanya ng insurance, ang Human Care Medshield Insurance.
Matindi ang sinapit ng ilang biktima dahil ang ilang namayapa na, hindi nakuha ang mga death claims ng kanilang mahal sa buhay.
Ayon sa mga nagrereklamo, nagsimula silang maghinala sa kompanyang ito dahil palipat-lipat ng tanggapan ang Medshield.
Nakakapagtaka rin na walang maiprisinta ang bogus na kompanya na mga policy holders na nakakuha na ng benefits. Kaya naman ang inihingi nila ng tulong sa BITAG, matuldukan ang panloloko ng nasabing kompanya.
Sa isinagawang undercover operation ng BITAG, napansin naming walang makikitang permits ang loob ng kanilang opisina.
Tumibay lalo na bogus ang operasyon ng kompanya sa binitiwang pahayag ng National Insurance Commission.
Ayon sa National Insurance Commission, isa ang Human Care Medshield Insurance sa kanilang binabantayan dahil ito ay peke o bogus.
Isang listahan na raw ang ipinalabas nila sa mga diyaryo para makita ng publiko ang mga insurance company na dapat iwasan. Isa na rito ang inirereklamo ng mga biktima.
Isinusuka rin ng Prudential Life Insurance ang Medshield dahil kinakaladkad nito ang kanilang pangalan. Isang certification ang inilabas ng Prudential na hindi kabahagi ng kanilang kompanya ang Medshield.
Dito, isang entrapment operation ang ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Camp Crame kasama ang Quezon City Business Permits and Licensing Office.
Tulad ng inaasahan, mga kawawang empleyado ng Medshield ang nalambat ng mga operatiba. Kaya naman ang may-ari nito na si Dennis Castro, pinaghahanap na rin ng mga alagad ng batas.
- Latest
- Trending