DALAWA ang Christmas wish ni Presidente Benigno Aquino III: Umamin na sa kanyang kasalanan si dating Presidente at Pampanga Rep. Gloria Arroyo at; maging tapat sa tungkulin si Supreme Court Chief Justice Renato Corona na kamakalawa ay tumanggap ng matinding batikos mula sa Pangulo.
Walang pangingimi si PNoy nang tuligsain nang harap-harapan si Corona. Kesyo illegal ang kanyang pagkakaupong Punong Mahistrado porke “midnight appointee” ni GMA at palaging binabara ang mga mahahalagang hakbang ng administrasyon para puksain ang korapsyon. Ang tinutukoy niya ay ang pagbuo ng Truth Commission na agad ibinasura ng Korte. Binatikos din ni Pnoy ang Korte sa ipinalabas na TRO sa pagbabawal kay GMA na lumabas ng bansa.
Ang pagtuligsa ng Pangulo kay Corona ay ginawa niya sa kanyang talumpati sa mismong pagdaraos ng National Criminal Justice Summit na Korte Suprema mismo ang nagpasimuno.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, nananatiling mataas ang trust rating ng Pangulo. Ito marahil ang dahilan kung bakit malakas ang loob ng Pangulo na boldyakin kahit ang isang co-equal branch ng pamahalaan. Pero nangangamba ako sa peligrosong ibubunga nito.
Lehitimo man o hindi ang pagkakaluklok sa mga bumubuo ng Korte Suprema, ang lantarang pagbatikos dito ng Pangulo ay puwedeng magwasak sa tiwala ng taumbayan sa hudikatura. Ito’y malaking problema dahil puwedeng maging simula ng rebelyon. Sino pa ang pagkakatiwalaan kung mismong ang kataastaasang hukuman ay “bugok” at hindi maasahan? Rebolusyon na lang!!
Sabi nga nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senador Ping Lacson, baka maghari ang tinatawag na “rule of mob” at ang Presidente mismo ang mamubroblema.
Hindi lang kasi isa o dalawang tao ang nawawasak kundi ang buong justice system. Kung palpak ang ilang bumubuo ng Korte Suprema, eh di magpasimula ng impeachment proceeding para matanggal ang dapat tanggalin. Dapat ang lahat ay daanin sa tamang proseso. Kampi nga ang taumbayan kay PNoy pero dapat ding alalahanin ang masamang epekto ng kanyang mga aksyon.