HINDI NATIN TALAGA hawak ang takbo ng tadhana. Ang swerte hindi mo alam kelan bubuhos sa’yo.
Gayun din naman ang trahedya ay parang magnanakaw sa gabi na hindi mo alam kung kelan darating sa buhay mo.
Nagsadya sa aming tanggapan si Mary Rose Yabut o “Rose”, 32 taong gulang mula sa Sampaloc, Manila.
Inilalapit niya ang pagkakabundol (HIT and RUN) na nangyari sa kanya.
Ika-6 ng Agosto 2011 bandang alas-10:00 ng gabi sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Don Fabian habang tumatawid biglang bumulagta sa kalsada si Rose. Nawalan ng ulirat.
Pagmulat niya malalabong mukha ng mga taong tinutulungan siyang buhatin ang nakikita niya. Mga maingay na boses ng sigawan. Tunog ng wang-wang ang nangingibabaw. Hindi siya makagalaw at hirap makapagsalita.
Pakiramdam niya malapit na siyang mawala sa mundong ito. Pilit siyang nakikipaglaban. Puno ng putik at duguan ang kanyang buong damit.
Pumikit siya at bumalik sa kanyang ala-ala ang mga pangyayari.
Araw ng Sabado noon. Galing sa trabaho si Rose. Nagpahinga siya ng hapon kaya gabi na siya nagising. Puyat at pagod siya sa trabaho bilang isang ‘janitress’.
Pumunta si Rose sa kusina upang kumain subalit naubusan siya ng ulam. Naisipan niyang lumabas upang bumili sa karinderya.
Malakas ang ulan kaya’t nagdala siya ng payong. Naglakad siya patawid sa may ‘pedestrian lane’ ng Don Fabian. Isang paa na lang ang hindi niya naihahakbang ng bigla siyang mahagip ng isang matulin na sasakyan.
“Nawalan na ako ng malay nun. Ganon pala yang pakiramdam. Parang bigla na lang nandilim ang paligid ko. Paggising ko nasa ambulansya na ko,” kwento ni Rose.
Hindi bumaba ang drayber. Tinakbuhan siya nito. Mabuti na lamang at may taong nakakuha ng ‘plate number’ na SEE 491.
Napag-alaman nila na ang ‘driver’ ay si Randy C. Cruz na empleyado ng National Power Corporation (NAPOCOR).
Kinausap ng kanyang tiyuhin na si Reynaldo Yabut ang drayber. Sinabi daw ni Randy na meron nga daw siyang nabangga ngunit ito’y kariton lamang.
“Tao ang nasagasaan niya alam niya yun. Mabuti at nabuhay ako kahit na pinabayaan lang niya ako sa kalye,” sabi ni Rose.
Tatlong linggong na-‘confine’ sa East Avenue Medical Center si Rose.
Nakalabas siya ng ospital subalit ni singko wala daw siyang tulong na natanggap mula sa taong nakasagasa sa kanya.
“Nakiusap ako na baka naman pwede nila akong tulungan dahil hindi naman biro ang nangyari sa akin. Hindi rin ako nakapagtrabaho,” sabi ni Rose.
May nakipag-usap sa kanila na ‘adjuster’ ng ‘insurance’/ Nagpakilala ito na si Mr. Quintin de Luna.
Ayon kay Rose kinuha nito ang lahat ng orihinal na kopya ng ‘hospital bill’ at mga reseta ng gamot. Tutulungan daw siya sa pagbabayad.
Naghintay si Rose. Ika-26 ng Oktubre, nakatanggap siya ng tawag. Pinapapunta siya sa opisina ng MAFRE Insular Insurance Corporation.
Nakahanda na ang tsekeng nasa halagang Php 17, 500 na nakapangalan kay Rose. Ang problema ayaw itong ibigay. “Kailangan ko daw munang pirmahan yun. Wala na daw pananagutan at hindi na ako pwedeng maghabol sa driver,” sabi daw kay Rose.
Tumanggi si Rose, “Bahala ka! Wala kaming magagawa. Wala kang tseke. Hindi namin ire-release”, sabi daw kay Rose ng kausap niya.
Sa ngayon nahihirapan na si Rose. Apat na buwan siyang hindi nakapagtrabaho.
Si Rose ang ‘bread winner’ ng kanilang pamilya. Siya ang tumayong magulang sa kanyang nakakabatang kapatid mula ng pumanaw ang kanyang ama.
Bukod pa dyan, naputol din ang pangarap niyang makapag ibang bansa. Sa katunayan nga daw ay paalis na sana si Rose ngayong ika-15 ng Disyembre patungong Australia. Nag-‘apply’ siya bilang ‘fruit packer’. Maayos naman sana ang lahat dahil wala siyang babayaran.
“Medical na lang ang kulang ko sa requirement at makakaalis na ko. Yun ang pinag iipunan ko tapos biglang nabundol naman ako kaya hindi rin ako natuloy”, sabi ni Rose.
Hanggang ngayon patuloy pa rin ang kanyang pagpapa ‘check up. Bali pa rin daw ang kanyang balakang at balikat.
“Ako ang nasaktan pero parang ako pa ang nanlilimos sa tulong na dapat naman talaga sila ang magbayad dahil sila ang may kasalanan,” sabi ni Rose.
Nais malaman ni Rose kung makatarungan ba ang ginagawa sa kanya kaya nagpunta siya sa aming tanggapan.
Itinampok namin ang istoryang ito sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon).
Nagsampa sila ng kasong ‘Reckless Imprudence resulting in Physical Injuries laban kay Randy. Kasalukuyang dinidinig ang kaso sa Prosecutor’s Office ng Quezon City.
Tungkol sa problema ni Rose sa insurance na ayaw siyang tulungan hangga’t walang pinipirmahan ay binigyan namin siya ng 'referral' sa tanggapan ng Insurance Commision upang maiparating ang ginagawang pang-iipit kay Rose.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang isang sasakyan ay naka-‘insure’ kung sakali ito’y makaaksidente ng tao. “Third Party Liability” bago mo ito maiparehistro. Kung hindi ako nagkakamali hanggang Php50,000 ang ‘máximum insurance.
Meron din naman ‘Comprehensive’ ang insurance at mas malaki ang ibinibigay sa mga napinsalang tao sa aksidente.
Pinaliwanag namin kay Rose na hindi ibig sabihin na kung mabayaran ng insurance ang gastusin sa ospital ay mawawala ang ‘criminal liability’ ng drayber. Pwede din siyang humingi ng mas malaking danyos kung kulang ang tulong na ibibigay sa kanila.
Pinayuhan din namin si Rose na maari siyang magsampa ng ‘civil case’ para sa lahat ng danyos na nangyari sa kanya dahil bukod sa apat na buwan siyang walang trabaho ay naudlot na ang pangarap niyang makapag ibang bansa.
Sa’yo Mr. Cruz, ingat lang sa pagmamaneho. SEE pa naman ang plate number ng minamaneho mo. Hindi mo ba na SEE ang pagtawid nitong si Rose? Hit and run ang ginawa mo at ang kaso dyan ay “Abandoning one’s Victim.”
Kaya ikaw Randy Cruz, drayber ng sasakyang SEE 491, SEE You sa korte!
(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
EMAIL: tocal13@yahoo.com
FOLLOW US ON TWIETTER: tocal13@yahoo.com