NAPAKA-GANDA ng solusyon ng isang congressman sa palagiang kakulangan ng Office of the Ombudsman ng pondo. Panukala ni Rep. Juan Edgardo Angara (Aurora) na bigyan ang anti-graft agency ng pirmeng parte sa mga asset forfeiture cases na naipapanalo nito sa Sandiganbayan.
Planong amyendahan ng House Bill 406 and Republic Act 1379, ang Forfeiture Act. Sa naturang batas, binabawi ng gobyerno ang anomang kita o asset, pera o pag-aari ng isang pampublikong opisyal kapag labis ito sa lehitimong suweldo niya sa gobyerno at dagdag na kita sa pribadong paraan. Ang nais ni Angara, ibigay agad sa Ombudsman ang 30% ng nabawi, kapag naghusga na nang pinal ang korte.
Dalawa ang ibubunga ng pagsasabatas ng panukala. Siyempre naroon ang tiyak na pondo para sa dagdag na sahod, tauhan, pagsasanay, at kagamitan sa Office of the Ombudsman. Naroon din ang hadlang sa pagluluto ng kaso. Mahihirapan ang field investigators o special prosecutors na makipag-ayos sa mga tiwaling opisyal — sa pamamagitan ng plea bargain, halimbawa — kung alam nilang para sa kanilang kapakanan ang pagpapanalo ng kaso. Tututukan ng mga ka-opisina ang case handlers para walang laglagan, ika nga.
Bahagi ng panukala siyempre na kapag hindi cash ang na-forfeit — halimbawa, lupa o sasakyan o alahas — 30% pa rin ang mapupunta sa Ombudsman mula sa kikitain sa auction.
Pinaalala ni Angara na ang Hong Kong ay itinuturing tatlong dekada noon na isa sa pinaka-corrupt na pook sa Southeast Asia. Nang magtayo ito nu’ng 1974 ng Independent Commission Against Corruption, pinondohan nang husto kaya nagtagumpay.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com