Maruming kubeta may ibig sabihin

USAP-USAPAN hanggang ngayon ang inspeksiyong isinagawa nu’ng makalawang linggo nina President Noynoy Aquino at Transportation Sec. Mar Roxas sa NAIA-1. Na-front-page kasi sila sa mga pahayagan na tinitiyak na malinis at may tubig sa kubeta sa pangunahing international airport. Anang mga kritiko, bakit naman daw kailangang ang pinaka-mataas pang opisyal ng bansa ang magpalinis ng kubeta.

Ang sagot ko sa kanila ay ito: Dapat talagang pinaka-mataas na lider ang magpalinis ng mga kubeta. Kasi kung hindi, mananatili itong marumi sa buong bansa.

Ugali ng maraming Pilipino ang pagka-salaula. Maporma sila, de-kotse at de-smart phone, pero hindi man lang magpalagay sa sariling bahay ng matinong inodoro. Maraming private establishments na sira-sira ang kasil­yas. Dapat mag-alala ang nakikipag-transaksiyon. Kapag marumi ang kubeta ng restoran, tiyak marumi rin ang kusina, iniipis at dinadaga, dahil pabaya sa sanitation ang manager. Kapag walang tubig ang kubeta ng gas station, tiyak mandaraya ang may-ari sa produkto at sa buwis. Psychology ‘yan ng tao: Ang malinis sa katawan ay malinis din ang budhi; ang salaula sa katawan ay walang pakialam sa kalusugan.

Gan’un lalo sa gobyerno. Kapag marumi ang kubeta ng isang ahensiya, tiyak pabaya ang pinuno nito. Halimbawa ang mga inodoro sa studio ng isang government television station: Laging marumi at may tulo. Sinasalamin nito ang palpak na pamunuan ng naluluging network.

Mabalik sa NAIA-1, nilista ito na pinaka-masagwang international airport sa mundo, at tama lang dahil pabaya ang management. Palaging walang tubig sa kubeta. Ibig sabihin, wala silang pakialam sa kapakanan ng pasahero. Tapos, may gana pa silang maningil ng P750 terminal fee.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments