Kampante

SAKIT natin ang maging kampante. Isang negosyo sa Bulacan ang ninakawan na ng tatlong beses sa loob ng tatlong buwan. Siguro akala hindi na sila nanakawan ulit, kaya naging kampante na lang. At nang manakawan ng pangalawang beses, lalong hindi naniwala na mananakawan muli. Naging kampante. Kaya ayun ninakawan muli. At kataka-taka na hindi lang ito ang sa-ngay na ninakawan, kundi iba pang sangay sa bansa. Kapuna-puna na wala silang guwardiyang nagbabantay ng mga sangay nila. Kalkulado kaya nila na mas mura na ang manakawan kaysa mag-arkila ng security guard sa loob ng isang buwan? Tila pinapakita na rin na walang pakialam ang pamunuan sa kaligtasan ng kanilang mga kliyente at empleyado! Paano pala kung hindi lang pera ang gustong kunin, kundi gusto na ring manakit, o mas masama, pumatay, di ba?

Isang dalawang taong gulang na bata naman ang kinagat sa NAIA ng asong umaamoy ng mga bag para alamin kung may dalang pasabog o bomba. Ang sabi ng ina ng bata, kaya kinagat ng aso yung bata ay hindi binantayan ng taga-hawak sa aso. Naging kampante, kaya nagka-aksidente.

Kaya madalas rin tayo makarinig ng mga nakakatakas na kriminal. Dahil nagiging kampante ang mga bantay na pulis o empleyado ng BJMP. Pinababayaan na lang gawin ang kahit ano. Iniisip na wala naman silang kakayanan tumakas. Pero ilang beses nang pinatunayan na tila mas maraming matalinong kriminal kaysa sa mga pulis na nagbabantay ng mga bilangguan o kulungan! Kaya nga nakaalis ng bansa si Ramona Bautista, dahil naging kampante ang mga humawak nung kaso at hindi napigilan!

Pinaka bagong insidente ay ang nakuhang video ng akusadong carnapper na si Raymond Dominguez. Kitang-kita sa video na inaabutan siya ng cellphone ni Katrina Paula, habang naghihintay sa labas ng isang korte. Arestado si Dominguez at nahaharap sa mga kasong carnapping with homicide, pero nakakagamit ng cell phone? At ang masama, hindi man lang sinita nung nagbabantay na tiga-Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)! Kampante, o kumpare na nung akusado? Dapat imbistigahan na at baka mayroon pang mga ibang okasyon na masyado namang kampante ang mga nagbabantay sa taong ito!

Show comments