Hindi nabayaran si Doc
MAG-ASAWA sina Mauricio at Cristina. Nag-iisang anak na lalaki si Mauricio, kaya lagi silang may komunikasyon ng kanyang mga magulang, Madalas din silang pumunta sa magulang kahit pa humiwalay na sila ni Cristina ng tirahan mula pa noong ikasal sila. Dumadalaw sa magulang tuwing Sabado’t Linggo sina Mauricio at Cristina at doon na sila natutulog. Maganda rin naman ito lalo at madalas ay nadedestino sa probinsiya si Mauricio dahil sa kanyang trabaho. Imbes na iwan mag-isa si Cristina ay dinadala niya ito sa kanyang mga magulang.
Isang beses, habang wala si Mauricio at nasa bahay ng kanyang mga biyenan si Cristina, nangailangan siya ng tulong. Buntis siya noon at malapit na siyang ma-nganak. Ang mga magulang ni Mauricio ang tumawag at nagdala sa kanya sa doktor. Nakita ng doktor na mahirap paanakin si Cristina at kailangan na agad operahan. Madalian niya itong ginawa. Pagkatapos ng operasyon, dinadalaw pa ng doktor si Cristina sa bahay at kinukumusta ang kalagayan. Ang bayarin sa kanyang serbisyo ay ipinadala niya sa mga biyenan ni Cristina. Hindi nagtagal, kinasuhan ng doktor ang mga magulang ni Mauricio dahil ayaw nitong bayaran ang kawawang doktor. May mangyayari ba sa kaso ni Doc?
WALA. Kahit sabihin pa na ang mga biyenan ni Cristina ang tumawag sa doktor at humiling na puntahan niya at tulungan ang manugang nila sa panganganak nito, wala silang obligasyon na bayaran ang serbisyo ng doktor. Ang may responsibilidad na bayaran si Doc ayon sa batas (Art. 109 Civil Code) ay ang asawang si Mauricio. Ibig sabihin ng batas, dapat ituring na ibang tao ang mga biyenan/magulang sa ganitong sitwasyon na ang mister ang may responsibilidad na magbigay ng suporta sa pagpapaospital ng kanyang misis. Puwede lang panagutin ang mga magulang ni Mauricio sa bayarin sa doktor kung pumirma sila ng kontrata. Lumalabas sa kaso na wala naman silang pinirmahang papeles at hindi nila inako ang bayarin sa ospital kaya wala silang pananagutan. Kaya ang dapat pag-ukulan ng pansin ng doktor ay walang iba kundi si Mauricio na asawa ni Cristina. Ang kaso ni Doc ay pareho sa kasong Pelayo vs. Lauron, 12 Phil. 453.
- Latest
- Trending