Arrest o Rest?
MUKHANG tama ang obserbasyon ni President Erap na nakarma si Gng. Arroyo. Ang kalbaryo nito ngayon ay kalbaryo ring dinaanan ni Erap sa kanyang mga kamay. Mas masahol pa nga ang karanasan ni Erap.
Unang-una, si Erap ay kinunan ng mugshot at pinag-“piano” doon mismo sa Camp Crame. Pagkatapos ay walang pakundangang pinalabas ang kanyang mugshots na halatang halata ang intensyon na siya’y hiyain. Si Gng. Arroyo, sa loob ng kanyang private suite nakunan.
Sa isyu naman ng arrest, si Erap ay sa selda kinulong, kasama ng kanyang anak na si Jinggoy. Matapos ang ilang araw, nilipat ito sa kampo sa Laguna sa isang maliit na bahay na walang kisame at mainit hanggang ito’y kailanganing i-hospital arrest sa Veterans. Tatlong matagal na taon ang lumipas bago ito payagan na ilipat sa Tanay bilang house arrest.
Si Gng. Arroyo ang ngayon nama’y humihingi ng Erap treatment at payagan siya i-house arrest. Kung ang dinanas ni Erap ang kanyang sinusumbat, medyo matagal pang panahon ang bubunuin ni Gng. Arroyo bago ito malipat sa kanyang mala-Palasyong mga tahanan. Kailangan din nitong paliwanagan ang mga kumukontrang sektor na hindi masikmura ang special treatment na hinihingi. Kapag ito daw ay pinayagan, hindi na ARREST ang nangyari kung hindi REST lang.
Matagal nang inaasahan ang pagpapanagot kay Gng. Arroyo. Kung hindi lang sana ito inagrabyado sa kanyang tangkang pag-alis, hindi na sana nasabayan ng ganitong kontrobersya ang isyu. Walang simpatiya ang tao sa kanya, malinaw yon. Hindi bebenta ang kanyang pagsasakit-sakitan. Lalung-lalo na ang pagpanggap na siya’y kinakawawa. Ang mahirap ay maraming naasiwa nang tinapak-tapakan ng pamahalaan ang batas at binastos ang Mataas na Hukuman.
Gayunpaman, ang pagpayag sa house arrest ay bagay na tanging ang Hukuman ang makapagpapasya. Ang kontribusyon ko lang diyan ay ito – kung sa kanyang tangkang paglipad ay bukambibig niya na respetuhin ang kanyang karapatan bilang karaniwang mamamayan, dapat sa isyu ng arrest, wala rin siyang hihilinging pribilehiyo kung hindi ang treatment ng karaniwang tao.
- Latest
- Trending