Walang kuwentang kalaguyo
SI Marina ang sentro ng pag-ibig ni Eric, isang lalaking kasal na at nagkataong mataas na opisyales sa probinsiya sa timog. Si Marina ay nakatira noon sa Maynila at dinadalaw ni Eric tuwing pumupunta ito sa Maynila. Sa kabila ng distansiyang naghihiwalay sa kanila, sumusulat ng mga love letter si Eric para kay Marina. Nasa isa sa mga sulat ang bahay at lugar na kanilang pagtatagpuan sa Maynila. Nakasulat pa nga roon na magtiis muna raw si Marina at unawain siya dahil hindi sila nakakapagkita araw-araw. Ang mga sulat ni Eric ay nagpapatunay na may relasyon silang dalawa. Nagkaroon sila ng dalawang anak.
Walang problema si Marina habang may relasyon pa sila ni Eric. Sustentado siya pati ang mga anak pero nang tumigil na si Eric sa pakikipagkita sa kanya at nasa edad na rin ang mga bata na dapat mag-aaral na sila, naisip ni Marina na kailangan niya ng suporta para sa mga bata. Nang hindi kumilos si Eric, napilitan siyang magsampa ng kaso para humingi ng suporta.
Nagdesisyon ang mababang hukuman pabor kay Marina at sa kanyang mga anak. Napatunayan ng hukuman na anak sa labas ni Eric ang dalawang bata at inutusan ang lalaki na magbigay ng sustento. Nag-apela si Eric sa desisyon. Habang dinidinig ang kanyang apela, hiningi ni Marina sa Court of Appeals na pabayaran na kay Eric ang buwanang sustento na ipinag-utos ng mababang hukuman.
Kinontra ito ni Eric. Hindi pa raw pinal ang desisyon ng mababang hukuman at katunayan ay inaapela niya ito sa Court of Appeals. May karapatan nga ba si Marina na makakuha ng sustento habang nakabinbin pa ang kaso?
OO may karapatan si Marina. Ito ang tinatawag na “support pendent elite”, pansamantala lamang itong remedyo na ibinibigay ng korte at hindi kailangan na mayroong pinal na desisyon sa kaso ni Eric at sa mga bata. Ang kailangan lang mapatunayan ng “prima facie evidence” na kailangan ay ang relasyon nila bilang magkadugo. Sa katunayan, kahit nga noong nililitis pa lang ang kaso sa mababang hukuman ay puwede na itong ibigay. Lalo pa sa sitwasyong ito na nasa Court of Appeals ang kaso at nagkaroon na rin ng paglilitis at desisyon pabor sa mga bata sa mababang hukuman (Garcia vs. Court of Appeals, 4 SCRA 689).
- Latest
- Trending