Resignation ng DND spokesman, tama lang

SENSITIBONG gawain ang pagiging tagapagsalita ng pamahalaan. Sa kaunting mali, maaring madiskarel ang mga policy pronouncements ng gobyerno.

Katulad ng nangyari kay Department of National Defense (DND) spokesman Zosimo Paredes na napilitang magbitiw sa tungkulin dahil nairita si Presidente Noynoy sa isa niyang pahayag sa media.

May kababaang loob namang inamin ni Paredes ang kanyang pagkakamali. Hindi rin naman masisisi si P-Noy kung magalit dahil ang mga bagay na namumutawi sa labi ni Paredes ay nauukol sa national security.

Heto ang kontrobersyal na sinabi ni Paredes sa media na ikinabahala ni P-Noy: Aniya, sa mga situwasyong pangkagipitan, ang pamahalaan ay ubrang magdeklara ng revolutionary government. Batid naman natin na sa pamahalaang rebolusyunaryo, puwedeng mag-astang diktador ang isang presidente.

Totoo na ang alin mang konstitusyon, saan mang bansa ay may mga safety nets para pangalagaan ang pambansang seguridad. Sa dati nating Konstitusyon sinasabi na kung may rebelyon at insureksyon, puwedeng ipailalim ng Presidente ang alin mang bahagi ng bansa o kabuuan nito sa Batas Militar. Pero dahil ito’y puwedeng maabuso, sa bagong Konstitusyon ay nagtakda na lamang ng limitadong panahon sa pagdedeklara ng Martial Law.

At komo “good copy” ang sinabi ni Paredes sunggab agad ang media at agad nalathala sa mga pahayagan at na-brodkas sa radyo’t telebisyon.

Sinita siya ng kanyang boss na si Defense Sec. Voltaire Gazmin upang sabihing hindi natuwa si P-Noy sa pahayag na iyon.

Mabuting tao si Paredes at tunay na maginoo. Sa ginawa niyang kusang pagbibitiw ay sumasaludo tayo sa kanyang prinsipyo. Ngunit sadyang may taong masyadong outspoken katulad niya. Walang masama diyan pero kung makakaapekto sa national security, tama nga na magbitiw na lang siya.

Show comments