Bonifacio Day
Tatlong araw na lang at gugunitain
Ng bansa ang Araw ng Magigiting;
Ang Nobyembre 30 kapag dumarating
Tinatawag natin itong Bonifacio Day!
Si Gat. Bonifacio tunay na matapang
Siya ang nagtatag nitong Katipunan;
Ito’y ay binuo ng anak ng bayan
Na hindi nasindak sa mga kalaban!
Ang kaaway noon ay mga Kastila –
Nang tayo’y sakupin ang bansa’y kinawawa;
Mamamayan nating mayaman at dukha
Maraming inapi – maraming nadusta!
Dahil sa nakitang kasamaan noon –
Si Gat Bonifacio nangunang nagbangon
Di niya ininda ang putok ng kanyon;
At marami silang sa baya’y nagtanggol!
Ang tatlong K.K.K, ang naging sagisag
Na sa buong bansa’y kumalat kaagad;
Ang Pinaglabanan at ang Balintawak –
Naging mga saksi sa dugong dumanak!
Kung sa ngayon sana’y may taong ganito
Itong ating bansa ay hindi magulo;
Ang buhay na angkin, ang diwa at puso
Ay handog sa baya’t lahing Pilipino!
Kaya mayro’n pa bang Bonifacio ngayon
Na sa kaapihan ay handang magbangon?
May bayani pa bang sa habang panahon
Hindi magmamaliw sa magandang misyon?
Kung mabubuhay lang ikaw Bonifacio
Iyong aayusin kaguluhan dito
Mga mamamayan sa lahat ng dako
Tatahimik sila dahil sa giting mo!
Ang naging kalasag ay itak at diwa
At pati ang puso ay nakipagdigma;
Ikaw Bonifacio ay buo ang nasa –
Itong ating bayan ay maging malaya!
- Latest
- Trending