Private army

NOONG bata pa ako, naririnig ko na ang kuwento ng mga magulang ko, pati na ang aking mga tiyo at tiya, ukol sa mga magugulong halalan sa probinsiya. Magugulo dahil ang lakas ng isang pulitiko noong araw ay kung gaano karami ang kanyang mga armadong tauhan sa panahon ng halalan. Mas malaking armadong grupo, mas kinakatakutan, mas nananalo sa botohan. Noong araw iyon. Maaring hindi na ganyan ngayon, sa Metro Manila at mga karatig pook, maliban na lang sa mga kilalang lugar katulad ng Cavite. Pero sa lalawigan, lalo na yung mga malalayo na sa Metro Manila, ay ganun pa rin ang sukat ng kapangyarihan ng isang pulitiko o warlord. At naging malinaw ito nang sumabog ang balita ng Maguindanao massacre, kung saan 58 tao ang pinagpapatay nang walang dahilan. Dalawang taon na ang nakalilipas mula nang mangyari ang krimen pero hanggang ngayon, tila malayo pang makakamit ng mga kamag-anak ng mga biktima ang hustisya. At laganap pa rin ang mga private army na pag-aari ng mga pulitiko sa mga lalawigan.

Aminin man ng gobyerno o hindi, naniniwala akong walang magagawa ang administrasyong ito sa pagtibag ng mga private army na iyan, dahil mga iba ay kaalyado rin nila sa pulitiko. O kaya ay kailangan nila ng kakampi sa bahagi ng bansa na hawak ng warlord, kaya hindi na lang pinapansin ang kapangyarihan na lumalawak, at mga abusong likas sa ganitong klaseng kapangyarihan. May kasalanan din ang gobyeno kung bakit may mga private army, dahil sila mismo ang nagkukunsinti nito. Ang maliwanag na halimbawa ay ang Civilian Armed Forces Geographical Units (CAFGU). Mga sibilyan na binigyan ng armas ng gobyerno para labanan ang mga komunistang rebelde at kriminal, pero kadalasan ay sila na rin ang nagiging kriminal, dahil napupunta na sa kanilang ulo na makapangyarihan sila dahil sa kanilang armas. Kapag binabawi na ang mga armas, ayaw nang ibalik at nagiging rebelde o kriminal na rin!

Hangga’t matindi ang katiwalian ng mga pulitiko, hangga’t tuloy-tuloy pa rin ang kanilang paghakot ng pera para makabili ng armas at tao, hindi mabubuwag ang mga private army na iyan. Hangga’t may magbebenta ng armas sa kanila, at may perang pambili, siguradong laganap ang mga armadong grupo sa bansa na hawak ng mga pulitiko at mayayaman. Kahit ano pa ang gawin ng gobyerno, kahit sino pa ang maging pangulo ng Pilipinas.

Show comments