Adbiyento

ANG Bagong Taon nating mga Kristiyano ay ngayong unang linggo ng Adbiyento o Panahon ng Pagdating. Ito rin Taon B sa liturhiya ng ating pagsamba sa Panginoon, panahon ng ating paghahanda sa kaarawan ni Hesukristo – ang Pasko.

Muling binubuksan ng Ama ang ating maasahang pag-asa sapagkat Siya lamang ang magliligtas sa ating buhay. Dasalin natin ang sinabi ni Propeta Isaias: “Balikan mo kami, Iyong kaawaan… Buksan mo ang langit at ika’y bumaba sa mundong ibabaw.” Tayo ang mga lingkod ng Panginoon na buong tiwalang nananalig sa Kanya. “Akitin mo, Poong Mahal, iligtas kami’t tanglawan.”

Ngayon ang ating masayang paghahanda sa kaa-rawan ng Kanyang unang pagdating libong taon na ang nakalipas. Ito rin ang panahon upang ayusin natin ang ating puso’t isipan sa ikalawang pagdating ni Hesukristo sa katapusan ng daigdig. Ngayon naman ay panahon ng ating maligaya at banal na paghahanda. Kaya sinasabi sa atin ni Pablo: “Sumainyo nawa ang pagpapala at kapa-yapaan mula sa Diyos na ating Ama at kay Hesukristo.” Ito ang ating lubusang pagpapasalamat sa Ama dahil sa pagpapala Niya sa atin sa pamamagitan ni Hesukristo. Ang Adbiyento ay paalaala sa mga bagong Kristiyano noon, sila’y lumuluhang umaawit sa Panginoon. Maranatha! “Come, Lord Jesus.”

Kaya sa ebanghelyo ay sinasabi ni Hesukristo na sa ating paghihintay ay samahan natin ng lubusang pagbabantay. Be watchful, Be alert! “Mag-ingat at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras.” Nilikha tayo ng Diyos sa lupa upang maging taga-bantay. Ipinababahala sa atin ang Kanyang tahanan. Binigyan tayo ng ating gagawing paghahanda sa Kanyang pagdating. Tayo ay nilikha at binigyan ng buhay ng Diyos at kailanman ay hindi tayo pababayaan. Kaya upang magampanan natin ito ay tuparin natin at gawin ang Kanyang bilin.

Gawin nating mabuti ang kaloob sa atin para bang mga “assignment” sa pagkalikha sa atin ng Diyos. Humanda tayo sapagka’t hindi natin alam ang kanyang pagdating. We don’t known when, where and how He will come.

Sinabi Niya maaaring sa pagdilim, hatinggabi, madaling araw, sa umaga o sa pagtulog. Sinasabi ni Hesukristo sa atin:

“Maghanda kayo!”

Isaias 63:16-19; Salmo 79; 1 Corinto 1:3-9 at Marcos 13:33-37

Show comments