“Dr. Elicaño, ano po ba ang mga sintomas ng lung cancer at ano ang dahilan at nagkakaroon ng sakit na ito. Marami pong salamat.”
—Benjamin Trinidad, Tiaong, Quezon
Ang paninigarilyo ang sinasabing pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng lung cancer. Ayon sa medical report tinatayang nasa 85 porsiyento ng lung cancer ay nakuha sa paninigarilyo. Sinasabi na ang mga naninigarilyo nang mahigit sa dalawang kaha isang araw ay 30 times na maaari siyang mamatay sa lung cancer. Ang iba pang dahilan ng lung cancer ay ang air pollution, coal tar fumes, petroleum oil mists, asbestos. arsenic, chromium, nickel, iron, isopropyl oil at radioactive substance. Ayon pa sa report, 111,000 katao sa buong mundo ang namamatay dahil sa lung cancer. Tinatayang 25 porsiyento ang namamatay sa United States dahil sa lung cancer.
Ang mga sintomas ng lung cancer ay ang mga sumusunod: Madalas na pag-ubo, paninikip ng dibdib at paglura na may kasamang dugo. Kapag nasa late stages na ang lung cancer, ang sintomas ay ang mabilis na pagbaba ng timbang, matinding paninikip ng dibdib, garalgal sa lalamunan at nahihirapang makalunok.
Karaniwang nade-detect ang lung cancer kapag nasa malala na at hindi na maaaring operahin. Kapag ang cancer ay na-detect nang maaga at hindi pa kumakalat sa iba pang bahagi, maaari pa itong operahin. Ang radiation theraphy at chemotheraphy ay ginagawa depende sa type ng cancer. Ang radiation theraphy ay ginagamit para matulungang ma-relieve ang pasyente sa kirot na dulot ng cancer.
Payo sa mga naninigarilyo, itigil na ang bisyong ito. Sa mga nagbabalak o nagsisimulang manigarilyo, huwag nang ituloy ang nakakanser na bisyong ito.