MAILAP ang hustisya sa mga kaanak ng mga biktima ng Maguindanao massacre. Hindi lang mga kaanak ang nagdurusa kundi buong sambayanan. Tayo ba’y namumuhay sa isang klimang hindi napaparusahan ang mga gumagawa ng karumaldumal na krimen?
Ginunita noong Miyerkules ang ikalawang anibersaryo ng malagim na krimen. Patuloy ang pagtangis at paghingi ng katarungan ng mga kaanak at kapanalig ng mga biktima. Larawan sila ng kawalang-pag-asa na makakamit pa ang hustisya.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. patuloy ang panawagan ni Pangulong Noynoy Aquino sa hudikatura na bilisan ang paglilitis sa kaso.
Aniya matibay ang paninindigan ng Pangulo sa pa-ngakong pangangalagaan ang mga saksi, kapanalig, at kamag-anak ng mga biktima.
Ang problema’y limitado ang magagawa ng administrasyon. Hawak ito ng co-equal branch ng ehekutibo, ang hudikatura. Nasa kapangyarihan ng lumilitis na hukom ang maagang ikareresolba ng kaso, bagay na hindi nangyayari.
Ano ba iyan? Aabutin ba ng ilang libong taon ang paglilitis sa kaso dahil walang magawa ang hukom sa delaying tactics ng depensa?
Tiniyak naman ni Ochoa na patuloy ang pagtugis ng pambansang pulisya sa mga hindi pa nahuhuling suspek sa krimen.
Ang Maguindanao massacre ay naganap noong ika-23 ng Nobyembre 2009 nang salakayin ng umano’y pribadong sandatahang grupo ng angkan ng mga Ampatuan ang convoy ng noo’y kakandidato sa pagkagobernador na si Esmael Mangudadatu.
Ikinasawi ito ng 57 katao, kabilang ang 32 media practitioners. Pinagbabaril, sinunog, at ibinaon sa ma babaw na hukay ang karamihan sa mga biktima.