'Timbre' (Sugalan at underground casino sa Baguio Part 2)
IPINAGBABAWAL ang anumang uri ng sugal sa Baguio City dahil mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katoliko ang iligal na gawaing ito.
Sa katunayan, maging ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), ang tanging may lisensiya na magpatakbo ng larong casino sa bansa, hindi pinayagang makapag-operate sa nasabing lungsod.
Sa kabila ng katotohanang ito, may mga gambling den at gambling joint operators na nakapagpapatakbo ng kanilang operasyon sa Baguio.
Underground o palihim ang mga pasugalan at mini-casino dito. Ganunpaman, maituturing isang open secret ang operasyon ng mga gambling den na ito sa dahilang alam ng mga residente at maging ng mga otoridad ang tungkol dito.
Isang araw bago ikasa ng National Bureau of Investigation- Cordillera Administration Region (NBI-CAR) ang operasyon laban sa gambling den sa Dagohoy St., Baguio City, isang impormasyon na ang nakaabot sa BITAG.
Matapos raw ang sarsuwelang drug operation na isinagawa ng aming grupo kasama ang PDEA-CAR, kinabukasan, nag-padlock at hindi nagbukas ang mini-underground casino sa Fortune Hills Building, Legarda Rd. o ang tinatawag na “Dampa”.
Kaya’t sa gabi ng operasyon laban sa Dagohoy kasama ang NBI-CAR, pinauna namin ang mga asset sa red light district upang manmanan ang kasalukuyang aktibidades doon.
Hindi na namin ikinagulat ang timbrehang naganap sa operasyon. Ayon sa mga asset na dokumentado rin ng aming surveillance camera, alas-7 hanggang alas-8 ng gabing iyon, naghakot ang pasugalan.
Isinakay daw sa mga jeepney ang mga lamesa’t ibang parapernalyas ng pasugalan. Naka-padlock na ang ibabang pintuan at ang 2nd floor ng gambling den sa Dagohoy.
Bakas sa mukha ng mga ahente ng NBI-CAR ang panghihinayang at pagkadisma-ya sa naudlot na operasyon.
Matagal na ring nasa kanilang intel ang mga gambling den na ito subalit nangyayari nga ang timbrehan at sunugan, bagay na kadalasa’y nangyayari sa mga operasyong tulad nito.
Sa harap ng mga ahente ng NBI-CAR, isang tawag ang natanggap ng asset mula sa isang parukyano ng pasugalan sa Baguio, “nasa Baguio na raw si Tulfo at magre-raid ng mga pasugalan”.
- Latest
- Trending