DAPAT maging regular, at hindi “porsiyentohan,” ang suweldo ng mga bus driver at konduktor, partikular sa Metro Manila. Ito ang iginiit ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Sa kanyang Senate Bill No. 2922 (Bus Drivers and Conductors Compensation Act), iminungkahi ni Jinggoy na pasuwelduhin ang mga driver at konduktor at bigyan din sila ng mga benepisyo. Ayon kay Jinggoy, karapatan ng mga ito na ituring silang mga regular na empleyado ng bus companies.
Ito rin aniya ang isang paraan upang maiwasan ang mga aksidente at matinding pagsisikip ng trapiko sa kalsada na idinudulot ng mga naggigitgitan at nagkakarerang bus dahil sa pag-uunahan sa pasahero. Mabuti naman at positibo nang umuusad ang panukala ni Jinggoy.
Sa nilagdaang kasunduan ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga lider ng bus transport industry sa ilalim ng “Joint Statement of Workers, Operators and Concerned Agencies on the Promotion of Public Transport Safety,” ipatutupad na ang regular na suweldo at benepisyo ng bus drivers at mga konduktor.
Titiyakin din ang praktikal at makatarungang bilang ng working hours ng mga driver at konduktor, gayundin ang iba pang benepisyo tulad ng overtime pay, night shift differential, rest day, holiday pay at ang pagiging miyembro nila ng Social Security System (SSS), PhilHealth at Pag-IBIG. Bibigyan din sila ng “bonus” kapag maayos at maganda ang kanilang performance, tulad halimbawa kung makakapag-maintain sila ng magandang record na “zero road accident at zero traffic violation.”
Sa pamamagitan nito, inaaasahang mas bubuti ang kalagayan ng mga drayber at konduktor ng bus pati rin ang kabuuang seguridad at kaligtasan ng pampublikong transportasyon.
* * *
Happy birthday kay da-ting Zamboanga del Norte congressman Romeo Jalosjos, Sr. sa November 24.