SI dating Comelec chairman Benjamin Abalos naman ang naospital! Tinakbo daw sa ospital si Abalos dahil sa stress, nang manggaling sa Comelec noong Biyernes. Kasama siya sa rekomendasyon ng Comelec na sampahan ng kasong electoral fraud kaugnay sa dayaan umano sa halalan noong 2007. Kasama niyang sasampahan ay sina dating President Arroyo, dating Gov. Andal Ampatuan Sr., dating Comelec officer Lin-tang Bedol at iba pa. Nasa bahay na raw si Abalos at binabantayan ang kondisyon.
Takbuhan ng mga sasampahan na ng kaso ang mga ospital ngayon. Gaya nina Celso de los Angeles, Jocjoc Bolante, Mike Arroyo, mga Ligot, lahat na! Parang Switzerland tuloy ang tingin ko sa St. Luke’s na neutral sa lahat, walang kinakampihan, at dapat respetuhin na pasyente muna sila, bago akusado! Natatandaaan ko rin ang isang sine kung saan lahat ng mga sangkot sa krimen ay puro mga matatanda na, kaya nang magpuntahahn sa korte ay puro naka wheelchair, oxygen at suwero! Ganundin kaya sa kasong ito ng electoral fraud? Baka nakalinyang naka-wheelchair na sina Arroyo, Ampatuan at Abalos sa korte!
Hindi talaga mawala sa isip na dati, nung wala pang lumilitaw na Lintang Bedol para kumpirmahin ang mga binanggit na pandaraya ni Zaldy Ampatuan sa Maguindanao noong eleksyon ng 2007, malulusog silang lahat. May mga larawan na nakangiti nang husto, gumagala, nakakapag ibang bansa. Ngayon, parang ilang taon na silang may sakit. Mga larawan na pinapakita sa publiko ay isang halos hindi makapagsalitang pasyente. Pero sige, kung may karamdaman, tama lang na nasa ospital. Pero dapat umandar pa rin ang kasong sinampa na laban sa kanila. Isang batalyon ng abogado naman ang kinuha ng mga Arroyo.
Pero malinaw na hindi na talaga makaaalis ng bansa si Arroyo. Pati ang Korte Suprema ay sang-ayon diyan. Mismo ang doktor ang nagsasabing hindi naman peligroso ang kalagayan at sitwasyon sa ngayon ng dating presidente. Pero dagdag na wala silang kagamitan para sa kailangang gawin na pagsusuri ng buto na kailangan ni Arroyo. Hindi ba dapat hamon iyan sa St. Luke’s, na may kulang pa pala silang kagamitan para sa pasyente? Na dapat meron sila dahil isang world class na ospital ang kanilang pinakikita sa bansa, at sa mundo? Ayon sa Philippine Medical Association (PMA), maraming mga doktor sa bansa ang kayang gawin ang hinahanap ni Arroyo na pagsusuri ng buto. Dapat siguro mag-usap ang doktor ni Arroyo at ang PMA para malinawan na talaga ang isyung ito ukol sa pagsusuri na wala daw sa St. Luke’s, pero marami namang espesyalista sa bansa, di ba?