EDITORYAL - Hayaang umusad ang kaso ni Arroyo
MAGANDANG pangitain na nananaig pa rin ang batas sa bansa kahit ang mga matataas na opisyal ang kasangkot. Ito ang gustong manaig ng mamamayan na sa batas ay walang mayaman o mahirap. Ngayong ipinakita ng gobyerno na maaaring kasuhan at litisin ang sinumang nagkasala, umaasa ang taumbayan sa simula na ito.
Naaresto na si dating President Gloria Macapagal-Arroyo. Mismong sa suite ng hospital siya sinilbihan ng warrant of arrest noong Biyernes. Kinasuhan siya ng electoral sabotage. Ang electoral sabotage ay walang nakalaang piyansa. May kaugnayan sa pagmamanipula sa election noong 2007 ang nakasampang kaso sa dating presidente. Dahil nasampahan ng kaso, nabalewala na ang temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Supreme Court.
Kung hindi nasampahan ng kaso maaaring nakalabas na ng bansa si GMA at kanyang asawa. Tinangka nila noong Martes na umalis patungong Singapore pero pinigilan ng Immigration officials sa direktiba na rin ni Justice Secretary Leila de Lima.
Si GMA ang ikalawang presidente na sinilbi-han ng warrant at inaresto. Una ay si dating President Joseph Estrada na sinampahan ng kaso dahil sa pandarambong noong 2001. Binigyan naman ng presidential pardon ni GMA si Estrada noong 2007. Pero mas nakakalamang si GMA kay Estrada sapagkat anim ang nakasampang kaso laban sa kanya.
Tiyak na uusad na ang kasong nakasampa kay GMA. Isasalang na siya. Kung napatunayang may kasalanan, patawan ng parusa. Sa ibang bansa, ang mga pinunong napatunayang nagkasala ay hindi nakaliligtas sa pag-uusig ng batas. Pinagdudusahan nila ang nagawang kubuktutan.
- Latest
- Trending