Ang bayan kong sinilangan
Kaiba sa lahat ---
Doon ay tahimik walang nandarahas;
Tilaok ng manok
Panggising sa madla
Kaya sa pagbangon kakain na agad.
Sa lamesa ay dudulog –
Na kasama ang pamilya, pagkai’y
Masarap na handa ni Inay:
Piniritong itlog – kaning mainit pa
Kaya kami ay malusog
Ang katawan ay masigla.
Kasama si Ama kami’y pabubukid,
Aayusin ang tanimang
Ang kasama’y sina kuya;
Mga tuyot na halaman – aming didiligin
At may mga ibong lumilipad sa malapit,
Palibhasa’y bunso ang tanging aliwan –
Aakyat sa papag
Na yari ni Ama.
Doon ay may pising aking tinatangtang –
Sa malayo’y may panakot na kikilos
Kaya ako’y tanod sa maliit na taniman.
Kaya walang ibong makalapit
Sila’y agad na lilipad
Sa malayo maghahanap ng pagkain –
Pag sumapit na ang araw ani namin
Daang salop,
Sa ngayon ba ay nasaan
Ang ganitong pamumuhay
Na ang mga kabataan malayo sa bisyo.
Kabataan ngayon sa iba na ang destino
Kamay nila’y di sa lupa;
Nakatutok sa computer at internet!