Editoryal - Bumaba at tumaas ang gas
MAY nakaamba na namang pagtataas sa presyo ng petroleum products. Katataas lamang noong isang linggo pero may panibago na naman. Parang blood pressure ang presyo ng gasolina at diesel — tataas-bababa. Noong nakaraang linggo, malaki ang itinaas sa presyo ng diesel — P1.90. Nagbaba nga ng presyo isang linggo na ang nakararaan pero binawi rin agad. At ngayon nga ay mayroon na namang panibagong pagtataas.
Ang pagtaas ng diesel ay nagdulot ng galit sa grupo ng mga manggagawa sa pribadong sector. Panibagong bigat na naman sa balikat ng mga manggagawa ang pagtataas ng produktong petrolyo. Ang mga manggagawa ang labis na nasasaktan dahil sa walang tigil na pagtataas ng produktong petrolyo. Hindi naman tumataas ang suweldo ng mga manggagawa.
Ang pagtataas ng petroleum products ang na-ging mitsa para tuluyang maghain ng pagtataas ng pamasahe ang transport group. Naghain ang Alliance of Concerned Transports Organizations (ACTOO) ng P1.50 taas sa pamasahe sa jeepney. Ayon sa ACTO, hindi na mapipigilan ang kanilang pinaglalaban sapagkat matagal nang niloloko ng mga oil companies ang publiko. Makatwiran umano ang kanilang hinihingi. Kasamang naghain ng petisyon ang grupong FEJODAP at Pasang Masda.
Sabi naman ng Department of Energy, ang nakaraang pagtataas ng presyo ay dahil sa pagtataas ng presyo ng langis sa world market. Ayon kay Energy undersecretary Jay Layug, noon pang nakaraang linggo nagsimulang tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Ganito na lamang ba ang sasabihin ng Energy department sa tuwing magtataas ng presyo ng petroleum products? Tagapagsalita na lamang ba ang Energy department ng mga kompanya ng la-ngis? Nasaan na ang jatropha project na sinasabing lulutas sa mahal na petroleum products? Nasaan na ang sinasabing nakukuhang langis sa Malampaya?
Ngayon dapat kumilos ang pamahalaan ukol sa walang patlang na pagtaas ng gas. Ang mga mahihirap ang labis na apektado. Hindi na sila naka ahon sa kumunoy ng kahirapan. Kailan ba makakatikim ng kaginhawahan ang mahihirap na laging apektado ng pagtataas ng gas.
- Latest
- Trending